ISA sa mga bagay na ating pinagtutuunan ng pansin ngayon pagdating sa ekonomiya ng Pilipinas ay ang kasalukuyang utang ng bansa. Sa kasalukuyan, mas mataas na ito kaysa sa international threshold na 60% ng output ng ekonomiya. Subalit, ayon sa Finance chief ng bagong administration na si Benjamin Diokno, hindi umano tayo dapat na mabahala.
Ayon sa kanya, kinakailangan lamang ng Pilipinas na higitan ang kanyang utang o sa madaling salita, mas pabilisin ang paglago ng ekonomiya upang malagpasan ang ating mga utang.
Samantala, ang gobyernong Marcos ay umuutang naman ng 300 milyong dolyar mula sa World Bank upang magamit umano sa mga programa at proyektong may kinalaman sa digital transformation natin.
Ayon pa rin kay Diokno, ang digitalization ay makakatulong sa pangangasiwa ng buwis at makakasuporta rin upang madagdagan ang kita ng gobyerno. Inaasahan din na ito ay magiging daan upang madagdagan ang mga negosyo at pamumuhunan, mga bagay na makakatulong sa ating ekonomiya na makabangon mula sa mga pinagdaanang krisis dala ng pandemya. Kabilang sa pagbangon ang pagpapanumbalik ng ating budget deficit sa dati nitong antas bago masimula ang pandemya–nasa 3% ng GDP–pagdating ng 2028.
Kahit na hindi gaanong interesado ang bagong pangulo at ang kanyang economic manager na magpataw ng panibago o mas mataas na buwis upang mabawasan ang utang ng bansa, naiulat na nagbabalak ang pamahalaan na patawan ng buwis ang mga online transactions at mga single-use plastics. Makatarungan lamang daw ito, ani Diokno, dahil tayong lahat naman daw ay nagbabayad ng buwis tuwing tayo ay bumibili ng mga produkto sa mga tindahan at pamilihan. “Sa tingin ko, dapat lang din na magbayad ng buwis tuwing bumibili sa mga online stores,” ayon sa kaniya.
(Itutuloy…)