(Pagpapatuloy…)
TUNGKOL sa dagdag na buwis sa online transactions, ito ay siguradong lalong magpapahirap sa pasanin ng mga mamimili na sa kasalukuyan ay hindi na magkanda-ugaga sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, mababang halaga ng piso, at mataas na inflation rate na nagdudulot ng pagtaas din sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Gayunpaman, ang kasalukuyang gobyerno ay positibong nagsabing ang ekonomiya ay lalago umano sa antas na 6.5% hanggang 7.5% ngayong taon, mas mababa sa dating ipinahayag na 7% hanggang 8%.
Sinabi rin ni Diokno na ang inaasahang debt-to-GDP ratio ay aabot ng 61.8% bago matapos ang taon.
Ito ay lumobo sa 63.5% noong patapos na ang Marso, sa ilalim ng administrasyong Duterte, dahil na rin sa patuloy na pangungutang ng ating gobyerno sa upang mapondohan ang mga proyektong tutugon sa mga epekto ng pandemya.
Kasalukuyang inaayos naman ng Department of Budget and Management (DBM) ang 2023 spending plan nito upang isumite sa Kongreso bago pumatak ang deadline sa susunod na buwan, sa ika-22 ng Agosto.
Ayon sa DBM chief na si Amenah Pangandaman, ang budget daw ay sasalamin sa prayoridad ng gobyerno, kasama na ang agrikultura, enerhiya, at imprastraktura. Ang budget ay mayroong P5.268-trilyon cap na inirekomenda naman ng dating Development Budget Coordination Committee upang masiguro ang maingat na pamamahala sa ating pambansang badyet.
Kasama ang buong mundo, ang mga Pilipino ay nakamasid kung paano malalampasan ni BBM at ng kanyang mga piniling lider ang maraming pagsubok na hinaharap ng bansa.
Ramdam ng buong mundo ang mga epekto sa ekonomiya ng digmaang Ukraine-Russia, kasama na ang kawalan ng katatagan dala ng pandemya. Kaya’t ang Pilipinas sa ilalim ng bagong gobyerno ay dapat na gawin ang lahat ng makakaya nito sa nakababahalang lagay ng kasalukuyang panahon.