ISANG MALINIS NA SISTEMANG PANG-TRANSPORTASYON

PUSONG PANALO

NOONG ika-7 ng Ene­ro ay naganap ang Low Carbon Transport Forum na pina­ngunahan ng Department of Transportation (DOTr) at ng United Nations Development Programme (UNDP) – Philippines.

Ayon sa greenhouse gas (GHG) emissions inventory, pangatlo ang sektor ng transportasyon sa may pinakamalaking GHG emissions dito sa ating bansa, kasunod ng sektor ng enerhiya at ng agrikultura.

Tataas pa umano ito dahil sa patuloy namang pagdami ng tao at paglago ng ekonomiya. Dahil dito ipinapayong isama sa paggawa ng mga planong pang-transportasyon ang mga solusyong climate smart at low carbon.

Agaran ang aksiyong kinakailangan dahil tayo ay nasa gitna na ng climate crisis at maraming kalamidad ang nagaganap sa daigdig bunsod nito. Importanteng lumipat ang mga bansa at ekonomiya mula sa paggamit ng fossil fuel patungo sa mga sistemang low carbon.

Dito sa atin, may mga pagkilos sa lokal na pamahalaan ng Baguio, Sta. Rosa at Iloilo. Ito ay ayon sa Commissioner ng Climate Change Commission na si Rachel Anne Herrera. Ayon sa kanya, ang mga lugar na nabanggit ay mayroong isinasagawang “climate-friendly at sustainable” na programang pang-transportasyon. May mga lugar ding gu­magawa ng mga inisyatibang kagaya ng e-Sakay at Star8 clean transport alternatives. Unti-unti na ring kumikita ang mga programang ito

Kung kaya naman gawin sa Iloilo, Baguio, at Sta. Rosa, siguradong maaari rin itong ulitin sa iba pang bahagi ng bansa. Kailangan lamang ng determinasyon ng pamunuan ng bawat lokal na pamahalaan, at ng pagkilos din ng mga taong nasa posisyon, kaagapay ng suporta ng mamamayan.