(Ni Susan Cambri)
SA LOOB ng dalawang dekada sa larangan ng pagpipinta gamit ang kanyang mga daliri (handpainting) ay nakagawa ng maraming art-works ang multi-awarded visual artist na si Elito Circa, kilala sa tawag na Amangpintor. Isa na rito ang tinawag niyang “Isang Milyong Obra” na paradise series mural painting.
Kinomisyon ng mag-asawang negosyante, ang mural na oil on canvas na Paradise Series, may sukat itong 144 x 84 inches, at natapos ni Amang-pintor sa loob ng tatlong buwan gamit ang handpaint at kaunti lamang ang ginamitan ng brush.
Naging inspirasyon ni Amangpintor ang pagmamahal sa kalikasan sa kanyang paggawa ng nasabing mural na naglalarawan ng biyaya sa pamilyang Filipino, kapangyarihan, katapatan kapayapaan sa paggawa ng mabuti, kasipagan, pagharap sa mga pagsubok sa buhay.
Bawat subject na nakapinta sa “Isang Milyong Obra” ay may sinisimbolo, katulad na lamang ng mga kabayo at isdang Koi na pinaniniwalaang pang-akit ng suwerte habang inilalarawan naman ng paru-paro ang buhay, pagtitiis, pagbabago at pag-asa, na nakapaligid sa larawan ng mag-asawa at ang kanilang mga mahal sa buhay sa loob ng mural.
Nabili sa halagang P1.2 milyon ang naturang mural, na salamin ng paraiso at ang kabuuan ng buhay na inaasam ng lahat.
NAIIBANG TRANSPORMASYON
Nakahahangang transpormasyon para sa katulad ni Amangpintor ang mga pagbago-bago niyang estilo. Mula sa pagpipinta noong ito ay 4-anyos lamang gamit ang mga uling, katas ng prutas at gulay habang buhok naman ang gamit na brush, natutunan din nito ang paggamit ng kanyang dugo sa pagpipinta taong 1992.
Naging tanyag ito sa paggamit ng sariling dugo sa pagpipinta. Siya ang kauna-unahang Filipino artist na gumamit ng buhok at dugo sa kaniyang mga obra na ang tema ay mythologism at mythicalism.
Pinamagatan niyang “Lukso ng Dugo” ang obra hanggang sa magtuloy-tuloy ang paggawa nito. Nagawan din niya ng blood painting ang Pam-bansang Kamao at Senador Manny Pacquiao, at marami pang iba. Ang estilong ito ay nag-ugat dahil sa kaniyang paniniwala sa buhay at pagpanaw.
Taong 2005 nang simulan ni Amangpintor ang kanyang bagong obra na “Sanlibu at Isa Buhay” (A Thousand and One Lives) na nagpapakita ng dedikasyon sa propesyong pagtuturo at pagmumulat sa kabatan. Lumahok ang 1,001 na mga guro at empleyado ng Department of Education na nag-ambag ng kanilang mga buhok at dugo na isinama sa canvas. Dito nilikha ni Amangpintor ang mural na kauna-unahan sa buong mundo.
Pagkatapos na maging tanyag sa kanyang blood painting, may mga naimpluwensiyahan dito at isa na si Vincent Castiglia ng Amerika.
HEALING COLORS AT 3 OBRA SA ISANG KANTA
May kapangyarihan na magamot ang ating kaluluwa ng mga kulay, maaaring ito ay nakapagdudulot ng masarap na pakiramdam o panibagong lakas at pagkagana sa mga ginagawa at marami pang iba.
Ganito inilalarawan ng 49-anyos na si Amang pintor, ang mga kulay na ginagamit sa kanyang mga art work.
Naniniwalang gamot ang kulay, para sa kanya, naiimpluwensiyahan ng mga kulay ang pakiramdam ng isang tao kaya naman sa kanyang mga art work ay naibabahagi nito ang healing colors katulad ng dilaw, berde, pula at iba pang mga kulay.
Hindi lamang pangdekorasyon ang mga obra ni Amangpintor kundi layunin nitong makapagdulot ng healing sa mga nakakakita.
Masarap sa mga mata at pakiramdam ang mga obra na tila magdadala sa iyo sa kapanatagan at kapayapaan kung iyong pagmamasdan, na kadalasan ay nakapokus sa mga likas na yaman.
Nakagagawa si Amangpintor ng tatlong hand pantings sa loob lamang ng tatlong minuto, sa saliw ng isang awitin, mapa-Pinoy classic songs o slow rock. Dumedepende ang bilis nito sa pagpipinta gamit ang mga daliri, sa bilis ng beat ng isang awitin.
Dahil dito ay labis na humanga sa kanya ang mga taga-Hamburg, Germany sa idinaos na Friendship House of the Rotary International Convention noong Hunyo 2.
Nagpakitang-gilas si Amangpintor sa kanyang galing sa hand painting gamit ang acrylic paint sa canvas. Matapos ang tatlong kanta ay nakagawa ito ng anim na hand paintings sa loob lamang ng 15 minuto. Ang mga ito ay kanyang idinonate sa Rotary Club International para sa auction.
Umani ng libo-libong views ang pagtatanghal ni Amangpintor nitong buwan ng Mayo sa Germany.
Madalas na naiimbitahan si Amangpintor sa mga pagtatanghal, sa labas din ng bansa, ganoon din sa fashion shows, workshops at iba pang pagdiriwang.
Sa edad na 49 at sa apat na dekadang pagpipinta, tila walang kapaguran sa mga paanyaya sa kanya si Amangpintor upang maibahagi ang kanyang kaalaman at talino sa mga gustong matuto at masaksihan ito sa kanyang pagtatanghal.
AWARDS
1978-Walong taong gulang nang magkamit ito ng unang parangal sa pagdibuho ng Simatar at Tagani ng DZRH radio.
1992- Pagkilala ng Pamantasan ng Gitnang Luzon (Central Luzon State University (CLSU), kauna-unahang estudyanteng pintor ng unibersidad.
1993- Cultural Award
2007-Katutubong Pintor ng bayan.
2009- National Commission for Culture and the Arts (NCCA) sa NBN TV 4 “Sining Gising” bilang katutubong pintor na gumagamit ng dugo at buhok
2010- Gintong Butil award, CLSU Alumni Association
Comments are closed.