HANGGANG saan ang maaaring tahakin upang makamit ang kaliwanagan?
Muling itinanghal nitong Oktubre ang buhay ni Siddhartha Gautama Buddha na batay sa aklat ni Venerable Master Hsing Yun, The Biography of Sakyumuni Buddha. At ang nakalap sa pagtatanghal ay mapupunta sa mga mag-aaral ng Fo Guang Shan Foundation Inc.
Itinatag noong 2014, ang Guang Ming College ang ikalimang bahagi ng Fo Guang Shan higher education system. Nakatuon ang pagtuturo sa mga natatanging nilalang na maaaring makamit ang kaganapan sa pamamagitan ng maunlad na kapaligiran na makahihikayat na mag-isip at paunlarin ang mga talento.
Mayroong limang pangunahing programa ang paaralan: sayaw, teatro, at Araling Buddhismo. Pinipili ang kanilang mga mag-aaral batay sa katangian at pangangailangan. Sapagkat naniniwala ang Venerable Master na sa pamamagitan lamang ng edukasyon, maaring maiahon ang sarili mula sa kahirapan, maisaayos ang kinabukasan, at mapaunlad ang lipunan.
Sa pangunguna ng Fo Guang Shan Buddhist order, naibahagi sa mga manonood ang paglalakbay ni Siddhartha tungo sa kaliwanagan. Pagpapakitang minsang naging normal na tao rin ang Buddha, na siya’y hindi naging ligtas sa mga paghihirap ng materyal na mundo.
Naniniwala ang orden sa apat na pangunahing turo ng Buddhismo: palaganapin ang aral sa pamamagitan ng mga gawaing pangkultural, pagpapayabong ng mga talento gamit ang edukasyon, lumikha ng mga programang makatutulong sa lipunan, at linisin ang puso’t isip ng tao ayon sa mga katuruan ni Buddha.
Tulad ng lahat, nagdaan din sa normal na proseso ng buhay si Siddhartha. Kapanganakan tungo sa kamatayan, ngunit dumating sa puntong ninais niyang malaman kung ano pa ang nasa dako pa roon at kung paano mapupunan ang tila kulang na bahagi ng kanyang pagkatao.
Sinasalaysay ng Siddhartha the Musical ang buhay ng isang prinsipe mula sa India, sa isang lugar na kilala bilang Kapilavastu.
Mahabang panahon din ang minimithi-mithi ng haring magkaroon ng tagapagmana ng kanyang trono. Kaya’t nang malaman niyang nagdadalang tao ang kanyang kabiyak, lubos niya itong ikinagalak. Naging bunga nga nito si Siddhartha, na kalaunan ay mahaharap sa isang malaking desisyon.
Isang ermitanyo ang nagbigay ng hula na maaaring maging isang mahusay na pinuno o isang Dakilang Gurong Ispiritwal ang prinsipe. Sapagkat nais siguraduhin ng hari na magkakaroon ng tagapagmana ang kanyang trono, pinalagyan niya ng bakod ang buong palasyo upang mailayo sa mga pagdurusa ng lipunan ang kanyang anak. Ngunit hindi ganoon kadaling ilayo ang tao sa kanyang tadhana.
Minsang lumabas ang prinsipe sa kaharian at tumambad sa kanya ang realidad ng buhay. Sa unang pagkakataon, nakakita siya ng mga matatanda, taong may sakit, kamatayan, at isang taong itinatwa ang kanyang lahat ng ari-arian at kayaman upang wakasan ang paghihirap na may kaugnayan sa pisikal na mundo.
Dito’y naharap siya ang propesiyang ibinigay noong araw ng kanyang kapakanakan. Aling daan ang kanyang tatahakin?
Ayon sa tagapagtatag na si Venerable Master Hsing Yun, “Kung maaaring umawit ang mga tao sa loob ng templo upang purihin si Buddha, bakit hindi natin ito gawin ng sama-sama upang maging kagalakan ng lahat, sapagkat ‘lahat nama’y may katangian ng Buddha’?”
Sa tulong ng Manila Fo Guang Shan Mabuhay Temple, Buddha’s Light International Association (BLIA) Philippine Chapter, Cebu Chu Un Temple, BLIA Cebu at Cebu Young Adult Division Subchapters ay nabuo ang kauna-unahang orihinal na musical tungkol sa buhay ni Buddha.
Dahil dito, naitanghal ang Siddhartha The Musical sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Tulad ng Estados Unidos, Australia, New Zealand, Malaysia, Taiwan, Singapore, Hongkong, Macau, New Zealand, Japan, Australia, at sa ilang mga probinsya ng Filipinas.
Taong 2007 nga nang maganap ang ika-100 pagpapalabas nito sa Cebu, kasabay ng paglulunsad ng librong “100 Mabuhay” na naglalaman ng karanasan na bahagi ng pagtatanghal.
Gamit ang titik ng mga tula ni Venerable Master Hsing Yun at Khalil Gibran, pinangunahan ni Direktor Paul Alexander Morales ang pagsasaayos ng musical.
Kasama ang mga boluntaryong tagapagtanghal mula sa Cebu na sina Benjie Layos, Junrey Alayacyac, Ivy Melody Gallur, JJ Ang Vince Sendrijas, Francis Eric Isidro, Jona Mae Daquipil, Kristine Joy Agno, Wynvel Anguren, Lou Arnejo, Chris Salazar Asignar, Athea Binghay, Daryl Desengano, Felichie Angela Francisco, John Ted Gaje, John Jay, Izai Leopards, Manchie Maloloyon Edlyn Clark Sereno, Dave Nielson Velez, Rofe Jephonie Villarino at mga mag-aaral ng San Hao.
Isang paanyaya ang pagtatanghal na ito. Paanyayang siyasatin at unawain ang paligid at sariling buhay.
Tulad sa nobela ni Hermann Hesse, masisipat dito na hindi lamang sa paglalakbay na panlabas natutuklasan ang sarili. Sapagkat sa patuloy ng paglalakbay ng bawat nilalang sa pisikal na mundo, hindi maiiwasang humarap sa mga pagsubok.
Makatutulong din ang Siddhartha the Musical na mabuo ang katanungan sa isipan ng mga manonood, dahil sa rami ng mga kasagutang ibinibigay ng mundo, ano ba talaga ang katanungan?
Aling landas ba ang dapat tahakin upang makamit ang tunay na kaligayahan at kaliwanagan. JONAH BASANTA GARCÍA
Comments are closed.