INANUNSIYO kamakailan na mananatili sa ilalim ng General Community Quarantine(GCQ) ang Metro Manila ngayong buwan upang mapigilan ang paglaganap ng COVID-19. Habang ang karamihan sa atin ay patuloy na sinusubukan na makasanayan ang bagong normal, marami pa ring Filipino ang aminadong nahihirapan at napapagod sa stress na sanhi ng pandemyang bumalot sa buong mundo, mga nangyaring lockdown, at estado ng quarantine sa bansa.
Mabuti na lamang at sa kabila ng problema, stress, at pagod ay may mga istoryang sadyang nakapupukaw sa ating mga puso at nakakapagpalimot sa atin ng ating mga problema kahit panandalian lamang. Ito ay ang mga istoryang magpapaalala sa atin na ngumiti sa kabila ng hirap na ating pinag-daraanan. Sa mga ganitong uri ng istorya ay nakakakuha tayo ng pag-asa na pasasaan ba’t malalampasan natin ang mga pagsubok na dala ng taong 2020 sa ating lahat.
Isang post ng netizen na may kasamang litratong tunay na nakakagiliw pagmasdan ang mabilis na kumalat sa social media at nag-trending nitong nakaraang linggo. Ang post ay ukol sa dalawang batang nakiusap sa isang meter reader ng Meralco na makuhanan din ng litrato gamit ang kamerang ginagamit nito sa trabaho – isang bagay na hindi naman tinanggihan ng meter reader.
Isang normal na araw lamang ang araw na iyon para sa meter reader na kinilalang si Joselito Ignacio. Hindi niya inakala na ang kanyang ginawang kaunting kabutihan sa mga bata ay pupukaw sa puso ng napakaraming netizen. Ayon sa kuwento, naglalaro ang dalawang bata nang mamataan nila si Joselito na dala-dala ang kamera at kinukuhanan ng litrato ang mga metro na nasa taas ng poste. Hinintay ng mga bata na matapos sa pagkuha ng litrato ng metro si Joselito at saka ito humingi ng pabor kung maaari rin silang kuhanan nito ng litrato.
Hindi naman binigo ni Joselito ang mga bata at kinuhanan niya ng litrato ang mga ito. Tunay na kagiliw-giliw pagmasdan ang litrato ng dalawang batang napakaganda ang mga ngiti at magkaakbay habang kinukuhanan sila ng litrato ng Meralco meter reader na minabuting pagbigyan sila sa kanilang munting kahilingan. Hindi lamang ang dalawang bata ang napasaya ni Joselito kundi pati na rin ang libo-libong netizens na nakakita at patuloy na nagpapakalat ng viral na post.
Habang inuulan ng mga papuri si Joselito sa kanyang kabutihan sa dalawang bata, dapat pasalamatan din natin ang pagiging maagap ng netizen na si Krizzel Gatmin na siyang nag-dokumento at nag-post ng mga litrato sa kanyang Facebook account. Kung hindi dahil sa kanya ay hindi natin makikita at malalaman ang napakagandang pangyayaring ito.
Sa isang panayam na ginawa ng DZMM Lingkod Kapamilya noong Biyernes, naibahagi ni Joselito ang kanyang kuwento. Bunsod ng lockdown ay matagal na siyang hindi nakakauwi sa kanyang pamilya sa Bolinao, Pangasinan. Matagal na niyang hindi nakikita ang kanyang apat na anak. Naalala diumano ni Joselito ang kanyang mga anak sa mga bta kaya hindi niya binigo ang mga ito. Hindi lamang alam ng mga bata ngunit kahit pansamantala ay naibsan nila ang pangungulila ni Joselito sa mga anak nito.
Ang istoryang ito ay patunay kung paano ang isang munting kabutihan gaya ng ginawa ni Joselito ay malayo ang maaaring marating. Ang mga ganitong uri ng istorya ay sapat na upang mapaganda ang araw at ang pakiramdam ng karamihan. Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang pagdami ng nakaka-kita ng post. Nasa libo-libo na ang inaning positibong komento at reaksiyon nito.
Ipinakikita rin ng istoryang ito kung paano naapektuhan ng pandemya ang karamihan sa atin. Gaya ni Joselito, marami sa atin ang matagal nang hindi nakikita at nakakapiling ang mga mahal sa buhay. Ang istoryang ito ay hindi lamang istorya ng dalawang batang napasaya ng isang Meralco meter reader kundi istorya rin ng isang ama na nangungulila sa mga anak nito. Ngunit batid ni Joselito ang hirap ng buhay lalo na ngayong panahon ng pandemya kaya alam niyang ang kapalit ng kanyang pangungulila at pagkawalay ng matagal na panahon sa kanyang mga anak ay ang pagkakaroon nito ng sapat na makakain sa araw-araw.
Maaaring kadalasan ay mas nangingibabaw sa atin ang pagod, stress at mga negatibong emosyon habang hinaharap natin ang pagsubok na dala ng pandemyang ito. Nawa’y ang istoryang ito ng munting kabutihan ay maging sapat upang maalala natin ang kabutihan na nariyan pa rin sa ating paligid sa kabila ng lahat ng mga hindi magandang pangyayaring ngayong taong ito.
Bukod sa inspirasyong makukuha sa kuwentong ito, ito rin ay patunay kung paanong ang mga kompanya gaya ng Meralco na sa kabila ng mga pagsubok at panganib na dala ng COVID-19 ay patuloy na nagbibigay ng serbisyo sa ating lahat 24/7.
Ang pribadong sektor ay patuloy na nakikipagtulungan sa pamahalaan upang masiguro ang pagpapatuloy ng operasyon nito ngayong panahon ng pandemya gaya ng meter reading at iba pang operasyon na kaugnay nito.
Sinisiguro ng Meralco sa publiko na magpapatuloy ang operasyon nito ng pagbabasa ng metro sa kabila ng iba’t ibang uri ng quarantine na ipinatutupad sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ang kuwentong ito ng Meralco meter reader at ng mga bata ay tila bonus lamang. Makaaasa ang mga customer ng Meralco na patuloy ang kompanya sa pagbibigay ng mahusay na serbisyo 24/7.
Kadalasan, nais lang ng mga netizen na ibahagi ang mga nagngyayari sa kanilang buhay at karanasan sa pang-araw-araw. Karamihan ay nagpo-post lamang sa kani-kanilang social media upang maibahagi ang mga ideya na tumatakbo sa kanilang isipan. Pagkain man ito, bagong kagamitan, musika, at iba pa, alalahanin lamang na maging responsable sa kung anuman ang ipo-post sa ating mga account. Nawa’y dumami pa ang mga istoryang gaya ng kay Joselito at mga bata dahil sa ganitong panahon ng krisis at pandemya, ang mga ganitong uri ng kuwento ay nakapapawi ng negatibong pakiramdam.
Comments are closed.