UPANG mapabilis ang ginagawang pag-aalis ng putik at mga basurang iniwan ng bagyong Kristine, naisipan ng barangay sa bayan ng bilhin ang bawat sako na makukuhang putik, iniulat kahapon sa nasabing bayan.
Ayon kay Punong Barangay Nong Sarte Zamora ng Barangay Ubaliw, nagpatupad siya ng programang “Isang sakong putik, palit P10″
Aniya, ang istratehiya ay pagtutulungan ng mga opisyal ng barangay at kanyang mga nasasakupan.
“Kinausap din kasi tayo ng mga residente natin na may pera naman at ‘yun tinanong ako kung ano maitutulong nila. Sabi ko sa kanila, ganito na lang gawin natin. Nung una, akala ko mga less than P10,000 lang gagastusin, ‘yun pala umabot ng P19,000,” ani Zamora.
Lumubog ang naturang barangay na halos 4.5 metrong lalim na tubig baha sa pananalasa ni Kristine at nagresulta sa putik na pitong pulgada ang kapal.
Sinabi ni Zamora na nagbigay ng tulong ang lokal na pamahalaan ngunit ang dami ng putik ang nagtulak sa kanila na manu-manong mangolekta ng mga debris gamit ang backhoe sa tulong na rin ng kanilang alkalde na si Mayor Adrian Salceda.
Nitong Lunes, Oktubre 28, nakakolekta na ang mga residente ng 1,980 sako ng putik na katumbas ng P19,800 at karamihan sa mga kalahok ay mga estudyante.
“Karamihan sa mga sumali ay mga estudyante. May mga pambaon na sila. ‘Yung pinakamalaki na sinahod kahapon, may isang naka 440 sacks. Bale P2,400 binayaran natin dun,” dagdag pa nito.
“’Yung magkakarga at magdidiskarga ng mga sinakong putik ay mga TUPAD beneficiaries naman. Baka ‘yung natitira, i-TUPAD na lang natin ‘yun. Hindi ko kasi na-anticipate na napakarami pala,” pagtatapos pa ni Zamora.
EVELYN GARCIA