ISANG TAON NA WALANG BAYARAN NG UTANG SA BANGKO, ANO KA HILO?

Magkape Muna Tayo Ulit

May nagpanukala sa House of Representatives sa ilalim na ginagawang nilang batas na Bayanihan 2 na magbibigay daw ng one-year loan moratorium sa may mga utang sa bangko. Ito raw ay bilang tulong sa mga naghihirap nating mga kababayan na dulot ng kawalan ng trabaho dahil sa Covid-19.

Hay naku. Kung sino man ang nakaisip ng panukalang batas na iyan ay walang alam sa takbo ng kalakaran at ekonomiya. Babagsak ang ating ekonomiya kapag ipinasa nila ito. Baka naman hindi nila alam na ang mga nagtatayo ng bangko ay nagnenegosyo rin. Pinapaikot nila ang pera na ating iniimpok sa kanila. Isa na rito ay ang pagpapautang. Kaya nga may interes na karagdagan tayong binabayaran kapag tayo ay umutang sa bangko.

Ayon sa Management Association of the Philippines (MAP), isa sa mga nirerespetong organisasyon sa kalakaran ng ating bansa, maaring malaki ang mabibigay na ginhawa sa ating mga mamamayan ng nasabing panukala nguni’t malaki ang epekto nito sa pangkalahatan sa mga susunod na taon.

Ayon sa presidente ng MAP na si Francis Lim, may halos na P11 trillion o 78% na pangkalahatang deposito na P14 trillion sa lahat ng bangko sa ating bansa ay kasalukuyang pinapaikot sa pamamagitan ng utang. 70% ng ating  depositors ay hindi umuutang.

Sa madaling salita, maaring magkahirapan tayo sa pag-withdraw ng ating pera sa bangko kapag tayo ay nangailangan para sa ating mga gastusin. Dagdag pa raw dito ay mahihirapan ang ating mga bangko na magpautang sa mga negosyante sa mga panahon na mahigpit ang pangangailan nilang umutang kung sakaling kailangan nila ng karagdagang kapital upang makaahon sa kanilang negosyo na idinulot na problema ng pandemyang Covid-19.

Kaya naman kapag nawala o nagsara ang negosyo, walang trabaho ang kanilang mga empleyado.

Magiging malaking dagok umano ito sa ating ekonomiya kapag ipinilit ng House of Representatives ito at maaring magdulot pa sa pagkadapa ng ating ekonomiya.

Paliwanag pa ni Lim, tulad ng Bankers Association of the Philippines (BAP), mas makatotohanan pa na magbigay ang mga bangko na 30-day grace period o isang buwan sa mga kliyenteng hindi makapagbayad ng utang dulot ng lockdown.

Ayon sa BAP, kailangang mapanatili na matatag at matibay ang ating banking system sa mga ganitong sitwasyon upang makatulong sa pagbangon ng ating ekonomiya.

Inayudahan pa ito ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Benjamin Diokno at sinabing mali ang nasabing panukala na one-year loan moratorium. Dagdag pa ni Diokno na ang nasabing panukala ang magdudulot ng krisis sa pananalapi at ekonomiya ng ating bansa.

Tila nakalimutan na nitong mambabatas na nagpanukala ng one-year loan moratorium ang kasabihan na ‘ang utang ay dapat bayaran’.

Comments are closed.