(Isasailalim sa training) 679 SECURITY ESCORTS NI-RECALL

SA paninimula ng election period para sa Barangay And Sangguniang Kabataan Elections, ni-recall ng Philippine National Police-Police Security And Protection Group (PNP-PSPG) ang 679 protective security personnel mula sa kanilang pinoproteksyonan Very Important Person (VIP).

Nitong Martes, iniharap sa Camp Crame ni PSPG Acting Director Col. Rogelio Simon kay BGen. Leo Francisco, Acting Director For Operations ang 468 security escorts na ni-recall mula sa Metro Manila habang ang natitirang mahigit 200 ay sa regional offices pinag-report.

Paliwanag ni Simon, ang hakbang ay bilang pagtugon sa resolution ng Commission On Elections na kapag nagsimula ang election period, ang mga nagsisilbing escort sa VIP partikular sa mga politiko ay dapat i-recall dahil wala nang bisa ang hawak nilang certificate of authority for security detail (CASD)

Dagdag pa ni Simon, nakasaad sa Section 32 Rule XIII ng COMELEC resolution number 10918, ang lahat ng karapatan at awtoridad na ibinigay sa security personnel o bodyguards ay awtomatikong mapapawalang bisa kapag nagsimula ang election period nitong Agosto 28.

Ang mga na-recall ay isasailalim naman sa VIP security orientation/refresher training habang ang iba ay ide-deploy sa iba pang operating division bilang security augmentation.

Samantala, nilinaw ng PSPG na ang sinumang VIPs na nais makakuha ng escort ay dapat sa COMELEc magpasa ng request.
EUNICE CELARIO