QUEZON-MAGSASAMPA na ng kasong double murder ang Special Investigation Task Group (SITG) “Motegi” na binuo ng Quezon Police Provincial Office laban sa apat na suspek sa brutal na pagpaslang sa babaeng Japanese national sa Tayabas City.
Sa isang press briefing, sinabi ni Quezon Police Director Col. Ledon Monte na ang SITG “Motegi” ay may sapat nang mga testigo at ebidensya laban sa hindi bababa sa apat na suspek.
Bukod sa nakatatandang kapatid ng biktimang si Lorry Litada na si Ligaya Pajulas, hindi muna pinangalanan ni Monte ang iba pang mga suspek hangga’t hindi pa nasampa ang kaso sa piskalya.
Ipinaalam din ni Monte sa media ang pagkakadiskubre sa 1,360,000 yen at P30,000 cash sa loob ng bahay ni Pajulas kung saan sandaling tumuloy ang mga biktima bago pinaslang.
Ang bahay ay pinasok ng mga operatiba ng Tayabas City Police Station noong Lunes ng gabi sa bisa ng search warrant na inilabas ng husgado.
Maliban sa pera, sinabi ni Monte na nakakita rin ang mga pulis ng ilang bahid ng dugo sa sahig at dingding ng bahay.
Ang biktimang si Litada, 54-anyos at anak nitong Japanese national na si Mai Motegi, 26-anyos ay napag- alamang may dalang malaking halaga ng salapi nang umuwi sa bansa upang ipambayad sa binibili nilang property sa San Narciso, Quezon.
Base sa testimonya ng isa sa mga testigo, lumalabas na ang mga biktima ay pinatay sa pamamagitan ng pagsakal at pagsaksak na tumutugma naman sa pahayag ng isa pang testigo.
Matapos paslangin, ang bangkay ng mag- ina ay ibinaon sa mababaw na hukay may 26 metro mula sa likurang bahagi ng bahay kung saan sila pinatay.
Ang mga biktima ay iniulat na nawawala nitong Pebrero 21 makaraang sila ay hanapin ng embahada ng Japan.
Matapos matanggap ang ulat, kaagad kumilos ang mga awtoridad na nagresulta sa mabilis na pagkadiskubre ng mga naagnas na bangkay ng mga biktima. BONG RIVERA