ISDA AT ANG BENEPISYO NITO

EATING FISH

(Ni CT SARIGUMBA)

KUNG tatanungin ako, isa sa paborito kong ulam ang isda. Kapag kasi isda ang ulam namin sa bahay na may katambal pang gulay, siguradong hindi ko mapipigil ang sarili ko’t mapakakain ng marami. Kapag lumalabas din kami o kumakain sa restaurant, lagi’t lagi ring kasama sa ino-order namin ang isda at gulay.

Wala nga namang kasing sarap ang isda, ano pa man ang luto nito. Sa ngayon din ay napakaraming puwedeng gawing luto sa isda. Bukod sa sinigang, prito, sinaing, inihaw o bake, puwede rin itong gawing cordon blue.

Isa sa natikman ko na luto ng isda sa isang restaurant ang bangus cordon blue. Malinamnam ito at lasap na lasap mo ang kakaibang lasa ng mga sangkap na ginamit sa pagluluto nito.

Ngunit bukod sa napakasarap ng isda, mara­mi rin itong benepisyo.

Sabi nga, isda ang pinaka-healthy na pagkain sa planeta dahil nagtataglay ito ng nutrients gaya ng protein at Vitamin D. Mainam din itong source ng omega-3 fatty acids na mahalaga sa katawan at utak.

Bukod sa mga nabanggit, ang mga sumusunod ang ilan pa sa benepisyo ng pagkain ng isda na marahil ay hindi gaanong nalalaman ng marami:

NAKATUTULONG UPANG MAIWASAN AT MAGAMOT ANG DEPRESSION

Walang pinipiling tao ang depression—bata man o matanda ay maaaring tamaan nito.

Isang common mental condition ang depression.

Senyales ng naturang kondisyon ang kalungkutan, kawalan ng energy at kawalan ng gana sa buhay.

Sa ngayon, maituturing na itong isa sa pinakamalaking problema sa kalusugan. Lumalabas pa naman sa ilang mga ginawang pag-aaral na mas tinatamaan ng kondisyong ito ang mga kabataan.

Isa sa nakatutulong upang maiwasan at maibsan ang nadaramang depression ay sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansiyang pagkain.

Lumabas nga sa ilang pag-aaral na ang mga taong regular na kumakain ng isda ay naiiwasang makaramdam ng depresiyon. Ito ay dahil sa taglay na omega-3 fatty acids ng isda.

MAINAM NA SOURCE NG VITAMIN D

Isa pa sa kagandahan ng pagkain ng isda ay ang taglay nitong vitamin D. Marami sa atin ang hindi nakukuha ang bitaminang kailangan ng katawan.

At para maiwasan ang vitamin D deficiency, ugaliin ang pagkain ng fatty fish gaya ng salmon.

NAKATUTULONG UPANG MAKATULOG NANG MAAYOS

Sa kaliwa’t kanang problemang kinahaharap ng marami, hindi maiiwasang mahirapan tayong makatulog.

Napaka-common na nga naman ang sleep disorders.

Saang bansa man, isa ito sa pinoproblema.

May ginawang pag-aaral at lumalabas na ang pagkain ng salmon ng tatlong beses sa isang linggo ay nakatutulong upang makatulog ng maayos at mahimbing.

Kaya kung hirap kang makatulog, subukan ang pagkain ng mga fatty fish.

MAINAM SA BRAIN HEALTH

Sa pagkakaroon ng edad ng isang tao, kaakibat nito ang pagiging malilimutin at iba pang mga sakit na may kinalaman sa brain.

Ang pagkain ng isda o pagkahilig dito ay nakatutulong upang maiwasan ang mental decline sa mga matatanda o may edad na.

Kaya naman, isama na ito sa diyeta o kinahihiligang pagkain.

NAKATUTULONG UPANG MAIWASAN ANG AUTOIMMUNE DISEASE

Isa sa problema ng marami ang autoimmune disease. Isa itong sakit na inaatake ng immune system ang healthy body tissues.

Lumalabas din na ang omega-3 fatty acids na taglay ng isda ay nakatutulong upang maiwasan ang pagkakaroon ng naturang sakit.

Sa ilan ding ginawang pag-aaral, nakitang malaki ang kinalaman ng pagkain ng isda upang maiwasan ang pagkakaroon ng rheumatoid arthritis.

MAINAM SA PUSO

Panghuli sa ibabahagi naming benepisyo ng pagkain ng isda ay ang kagandahan nito sa puso.

Kabilang nga naman ang isda sa mga pagkaing mainam sa puso.

Heart-healthy food, ‘ika nga ang isda.

Kaya naman, para maiwasan ang heart attacks at strokes, kahiligan ang pagkain nito.

Hindi nga lang naman masarap ang isda, marami pa itong benepisyong naidudulot sa katawan.

Kaya’t isama na ito sa mga kinahihiligang pagkain nang uminam ang pakiramdam. (photos mula sa naturalfoodbenefits.com, 15healthbenefits.com, wellbeingsecrets.com)

Comments are closed.