ISFs SA ESTERO DE MAGDALENA, IRE-RELOCATE SA CAVITE

Estero de Magdalena

TINIYAK ni Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” E, Goitia na maire-relocate na sa Trece Martirez City, Cavite ang informal settler families (ISFs) sa Estero de Magdalena sa Tondo, Manila.

Naunang nai-relocate ng PRRC sa mga pabahay ng National Housing Authority (NHA) ang 1,009 pamilya sa Pandi at Norzagaray, Bulacan at Paradise Heights sa Tondo, Manila at muling magre-relocate ang PRRC sa Hunyo 20 para masimulan na ang Estero de Magdalena Linear Park.

“[Pinagtatrabahuhan namin] na ma-relocate na lahat dahil napansin namin na kapag pakonti-konti ay may mga nagbabalikan. Nakausap na po naming ang receiving LGU [Mayor Melandres G. De Sagun] at napapayag na po sila na tanggapin [sa Trece Martires] ang mga mare-relocate mula sa Estero de Magdalena,” ayon kay Goitia.

Katulong ng PRRC ang Metropolitan Manila Development Authority, Local Government ng Maynila at ilang pamilya ng informal settlers sa Bayanihan Cleanup nitong Hunyo 13 at ginawang mano-mano ang paglilinis sa ilalim ng mga barumbarong.

“Kaya nagpasiya na po kami na i-relocate na lahat ang natitirang mahigit 2,000 ISFs sa Estero de Magdalena para po sa pangmatagalang solusyon sa problemang ito,” diin ni Goitia.  “Kapag natapos na po ang relocation ay masisimulan na po natin ang development ng Estero de Magdalena Linear Park na kapaki-pakinabang sa publiko. Tatapusin po natin ang linear park sa loob ng isang taon at lalagyan natin ng mga halaman na tutulong sa paglinis sa tubig ng estero.”

Idinagdag ni Goitia na hindi na maaaring bumalik sa Estero de Magdalena ang mga ire-relocate na ISFs dahil maghihigpit ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na kakasuhan ng dereliction of duty ang mga kapitan na papayagang bumalik ang mga iskuwater.

Nangako ang PRRC na masisiyahan ang lahat ng mamamayan kapag naitayo na ang Estero de Magdalena Linear Park na lalagyan din ng solar lamps para hindi gumastos ang gobyerno sa kur­yente at idinisenyo pabor sa mga taong may kapansanan at mga nakatatanda.

Comments are closed.