MAHIGIT 2,100 siklista sa iba’t ibang panig ng bansa ang sumali sa “1-4-Alan Peter Cayetano Bike Caravan” noong Lunes bilang pagpapakita ng suporta kay dating House Speaker Alan Peter Cayetano na tumatakbong senador sa darating na halalan.
Umabot sa 87 samahan ng mga siklista ang lumahok sa magkakasabay na bike caravan sa 14 na lungsod at bayan sa buong bansa, kabilang na ang mga lungsod ng Maynila at Marikina sa Metro Manila, at sa Vigan, Baguio, Urdaneta, at Legazpi sa ibang bahagi ng Luzon.
Naglunsad din ng mga bike caravan ang mga taga-suporta ni dating House Speaker Cayetano sa mga lungsod ng Cebu, Bacolod, at Ormoc sa Kabisayaan, at General Santos, Cagayan de Oro, at Zamboanga sa Mindanao.
Nagkaroon din ng mga bike caravan sa mga probinsya ng Camarines Sur at Iloilo.
Karamihan sa mga lugar na ito ay naging benepisyaryo ng programang Sampung Libong Pag-asa at Sari-Saring Pag-asa ni Cayetano. Libo-libong mga pamilya at maliliit na negosyante ang nakinabang sa dalawang programang ito noong kasagsagan ng pandemya.
Sa katunayan, nagpakita ng suporta ang mga sari-sari store na natulungan ng dating House Speaker nitong nakaraang taon sa pamamagitan ng pagpapaskil ng mga poster ng dalawang programa sa harap ng kanilang mga tindahan.
Bumuhos naman ang papuri at pasasalamat mula sa mga lokal na lider sa mga lugar na pinagdausan ng bike caravan.
Ayon kay Albay Board Member at Association of Barangay Councils (ABC) Albay Chapter President Joseph Philip “JP” Lee, karapat-dapat suportahan ang naganap na mga bike caravan at ang adbokasiya ni Cayetano para sa eco-friendly na pangangampanya ngayong halalan.
“Ito pong eco-friendly campaign ni Senator Alan Peter Cayetano sana maging example ito sa lahat ng politicians especially po sa national scene na kaya pala natin gawin ang eco-friendly campaign bilang makatulong po tayo sa environment,” ani Lee.
Pinuri rin ni Barotac Nuevo Municipal Councilor Simon Fernando ang isinagawang bike caravan at nagpaabot siya ng pasasalamat sa mga volunteer ni dating House Speaker Cayetano para sa matagumpay na pagsasagawa ng caravan.
“Sana ipagpatuloy ang ganitong mga bike caravan dahil ito po ay totoong eco-friendly at nakatutulong sa ating kalikasan,” wika ni Fernando.
Nagpahayag naman ng suporta si Baguio City District Rep. Mark Go sa inisiyatiba ng mga taga-suporta ni Cayetano sa kaniyang lungsod.
“Kaya tayo nandito ngayon ay hindi lamang para ipahayag ang ating tiwala sa kanya kundi ang ating pagmamahal not only to him but also sa ating bayan,” pahayag ni Go sa mga siklistang lumahok.
May ilang mga social media influencer na mahilig sa sports ang lumahok din sa pambansang caravan. Inanyayahan nina Coycoy Caspe, Donald Labanon, Jekky Mendiola at Mikko Mahinay ang mga kapwa nilang siklista na sumama sa caravan upang suportahan si dating Speaker Cayetano.
Inilunsad ang mga bike caravan bilang tugon sa pahayag ni Cayetano na magsusulong siya ng isang eco-friendly campaign para sa halalan sa Mayo.
Bilang kauna-unahang kandidatong magsasagawa ng ganitong uri ng pangangampanya, sinabi ni Cayetano na hindi siya magsasagawa ng mga motorcade dahil maaksaya ito sa gasolina at nakadadagdag pa sa polusyon.
Noong February 28, isinagawa ng mga cycling groups ang kauna-unahang bike caravan sa Pampanga at Laguna bilang pagsuporta kay Cayetano.
Hinikayat din ng dating House Speaker ang kanyang mga tagasuporta na magtanim ng mga puno at mangrove, magtayo ng urban farms, at gamitin ang social media bilang mga alternatibo sa tradisyunal na pangangampanya.
Pinuri ng iba’t ibang environment groups ang panawagan ng dating Speaker tulad ng EcoWaste Coalition na nagsabing nagpapahayag ito ng kanyang “malalim na pagkalinga sa kalikasan at mahalagang mission na gawing mas malinis, ligtas, at maayos ang kampanya hanggang sa araw na halalan.”
Ayon kay Cayetano, na kasalukuyang nangunguna sa ilang mga survey, nais niyang isulong ang isang “faith-based at values-oriented na pamumuno” sa Senado.