(Isinampa ng BIR) P6.1-B TAX EVASION VS 127 KOMPANYA

SINAMPAHAN ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng kasong tax evasion ang 127 kompanya at 214 corporate officers kaugnay sa hindi pagbabayad ng buwis na nagkakahalaga ng P6.1 billion.

Pinangunahan ni BIR Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. ang pagsasampa ng mga kaso sa Department of Justice (DOJ) kahapon.

Ayon kay Lumagui, ang mga kinasuhang corporate officers at firms ay may kinalaman sa manufacturing, retail, importations, at construction.

“Ito talaga ang tax liabilities nila at….iba pa diyan mga witholding na, mga witholding tax na ‘yan ay kinuha na nila sa mga kliyente nila at dapat nire-remit nila at hindi nila ginawa yan,” paliwanag ni Lumagui.

“So iba’t ibang tax types din ‘yan kaya naman mabigat-bigat din ang hinaharap nila,” dagdag pa niya.

Ito na ang ikalawang nationwide filing sa DOJ ng mga kaso laban sa mga kompanya dahil sa hindi pagbabayad ng buwis. Binalaan niya ang mga kompanya na huwag balewalain ang auditing process ng BIR.

“Ang ginagawa kasi diyan kadalasan hindi pinapansin ang aming proseso,” aniya. “Magpapadala kami ng letter of authority, i-o-audit namin dahil kasi meron kaming makikitang red flag o mali sa kanilang pagre-report ng revenues o sa kanilang pagre-report ng expenses.”

Idinagdag ng BIR chief na ang parusa ay kinabibilangan ng pagkabilanggo at civil liabilities.

Hinikayat niya ang publiko na magbayad ng tamang buwis.

“[I]wasan natin at ‘wag na nating gamitin ang mga ghost receipts, ‘wag na nating tangkilikin ‘yan,” ayon pa kay Lumagui. “I-report natin ng tama ang revenues natin at bayaran natin ang buwis.”