(Isinampa ng BIR sa DOJ) TAX EVASION VS GUO, 2 PA

SINAMPAHAN ng Bureau of Internal Revenue (BIR) nitong Miyerkoles ng kasong tax evasion si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at ang dalawang iba pa sa Department of Justice (DOJ).

Inihain ni Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. ang kaso laban kina Guo, at Jack L. Uy at Rachelle Carreon ng Baofu Land Development, Inc., na nag-ugat sa pag-amin ni Guo na inilipat niya ang kanyang shares sa Baofu kay Uy.

“Upon investigation, the BIR discovered that no capital gains tax (CGT) and documentary stamp tax (DST) returns were filed and paid in relation to this transfer,” pahayag ng BIR sa isang statement.

Ang tatlo ay kinasuhan ng “attempt to evade or defeat tax, failure to file CGT and DST returns, and failure to file/ supply certain information.”

Sinabi ni Lumagui na bagama’t ang mga partido sa transfer ay sina Guo at Uy, si Carreon, bilang corporate secretary ng Baofu, ay dapat ding sampahan ng kaparehong kaso ng tax evasion dahil sa kanyang “deliberate failure to report” ang non-payment at non-filing ng CGT at DST returns sa BIR.

“She even verified under oath the General Information Sheet reflecting the transfer even if no taxes were paid and no returns were filed,” ani Lumagui.

Isinasailalim ng revenue officials sa auditing ang business empire ni Guo, na nabunyag sa legislative inquiries sa Senado. ULAT MULA SA PNA