ISINAMPA NG RCBC VS BANGLADESH BANK: P130-M DEFAMATION SUIT

RCBC

NAGSAMPA ang Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) ng P130-million defamation suit laban sa Bank of Bangladesh dahil sa mapanirang mga pahayag nito kaugnay sa $81-million cyber heist, tatlong taon na ang nakalilipas.

Sa reklamong inihain sa Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 142 noong nakaraang Marso 6, ang RCBC at ang senior vice president nito na si Ismael Reyes ay hu­mingi ng P100 million at P30 million, ayon sa pagkakasunod, mula sa nasabing bangko.

Hiniling din ng RCBC sa korte na atasan ang Bank of Bangladesh na itigil ang paninira at panggigipit sa kanila, kabilang ang pag-iisyu ng public statements na may tendensiyang sirain ang kanilang reputasyon o palabasin na ang RCBC ay may legal obligation na bayaran o ibalik ang anumang ha­laga sa Bangladesh Bank at/o nagpaparatang na nakagawa ng krimen ang RCBC laban sa Bangladesh Bank.

Ayon sa RCBC, ang demanda ay isinilbi kay Bangladesh Bank Deputy Governor Abu Hena Mohammad Razee Hasan at sa iba pang opisyal na nasa Manila ngayong linggo.

Noong Pebrero 2016, ninakaw ng mga hindi kilalang hacker ang $81 million mula sa account ng Bangladesh Bank sa New York Federal Reserve. Sa isinagawang imbestigas­yon ng Federal Bureau of Investigation ay lumitaw na pumasok ang nasabing pera sa apat na sangay ng RCBC sa Makati City. Ang dating manager ng RCBC branch, si Maia Deguito, ay nahatulan sa money laundering noong nakaraang Enero 10.

Sa kanilang reklamo, sinabi ng RCBC na nag­lunsad ng mapanirang kampanya ang Bangladesh Bank para mag-extort sa kanila ng pera at sirain ang kanilang ­pangalan sa banking industry.

Nilinaw rin ng RCBC na wala sa kanila ang hinahanap na Bangladesh money.

“In its attempts to retrieve the money it had lost, defendant Bangladesh Bank resorted to casting blame everywhere, and in particular, unfairly and viciously maligning plaintiff RCBC, even when the defendant Bangladesh Bank knew that, at the very moment the payment instructions were sent from the Bangladesh Bank, the loss had already occurred without any action or intervention on the part of plaintiff RCBC,” nakasaad sa demanda ng RCBC.

Noong Pebrero ay kinasuhan ng Bangladesh sa New York ang RCBC dahil sa nasabing iskandalo.

Comments are closed.