ISINULONG ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang pagkakaroon ng regular na empleyado sa mga barangay upang matiyak na tuluy-tuloy ang pagbibigay ng serbisyo bagaman nagbabago ang mga barangay officials dahil sa halalan.
Sa kanyang pagsasalita sa Lupong Tagapamayapa Incentive Awards (LTIA) 2023, sinabi ni Abalos na suportado ng DILG ang panukala ng mga mambabatas na gawing mas organisa ang sistema sa pagseserbisyo sa mga barangay sa pamamagitan ng pagbibigay ng serbisyo at incentives sa ilalim ng “Magna Carta para sa Barangay.”
“Kayo ang pinakamagaling sa buong bansa. And what if bukas palitan kayo bigla? Ito ay napaka posible sa ilalim ng kasalukuyang sistema. Kaya ang aming proposal ay magkaroon ng regular employees sa mga barangay para may continuity of service,” ani Abalos.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga manggagawa sa barangay, kabilang ang lupon ay maaaring makatanggap ng honorarium.
Plano din ni Abalos na makipag-ugnayan sa ilang mga unibersidad upang sanayin ang mga miyembro ng Lupon Tagapamayapa sa pagsasa-ayos ng alitan at hindi pagkakaunawaan sa kanilang komunidad.
Samantala, pinuri rin naman ng DILG chief ang ilang LTIA 2023 winners dahil sa ipinakitang galing sa pagreresolba ng gulo sa kanilang mga barangay at P4 bilyon umano ang natipid para sa litigation. EVELYN GARCIA