(Isinusulong na sa kamara)P10-BILYONG CANCER FUND

NAGHAIN ng panukalang batas si Deputy Speaker at Las Piñas City Rep. Camille Villar na naglalayong maglaan ng P10-bilyong pondo para matulungan ang mga mahihirap na pasyenteng nakikipaglaban sa sakit na kanser.

Sa House Bill no. 5686, binigyang-diin ng ranking lady House leader na “cancer is one of the leading causes of death in the Philippines” at ang pagpapagamot laban sa sakit na ito ay masyado aniyang mahal kung kaya hindi matustusan ng indigent at underprivileged patients.

“Considering that one of the goals of the national economy is a more equitable distribution of opportunities and raising the quality of life for all, especially the underprivileged, it is high time that those who are less in life be given the lifeline to fight the cancer disease despite their lack of resources,” sabi pa ni Villar.

Ayon sa Las Piñas City lawmaker, ang chemotherapy para sa cancer patients ay aabot ng hanggang P100,000 per session habang ang treatment by radiation, o maging ang examination sa pamamagitan ng MRI (Magnetic Resonance Imaging) ay mabigat din sa bulsa kahit sa hanay ng middle-income patients at hindi makakayanan ng mga mahihirap na pamilya o indibidwal.

Ang mas nakalulungkot, ani Villar, ang incidence at mortality rate ng cancer sa Pilipinas ay patuloy na tumataas, kung saan 189 sa kada 100,000 na tinatamaan ng sakit na ito ay binabawian ng buhay habang sa pinakahuling datos ay sinasabing apat na Pilipino ang nasasawi sa bawat oras o 96 pasyente kada araw.

“This trend is expected to continue if organized and sustained specialized care and preventive measures against cancer are not initiated. This is why cancer has gained a reputation as the disease for the rich.

The painful truth is that it can afflict anybody, regardless of economic status,” dagdag pa ng kongresista. Kaya naman sa ilalim ng kanyang panukala, isang cancer treatment program, na popondohan ng P10 bilyon, ang bubuuin at pamamahalaan ng Philhealth sa mga accredited government hospital, partikular sa bawat congressional districts sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Subalit iginiit ni Villar na ang nasabing cancer treatment assistance fund ay limitado lamang para sa indigent at underprivileged patients, na tinukoy ng state health insurer, sa pakikipag-ugnayan na rin nito sa Social Welfare, Health, at Interior departments.

ROMER R. BUTUYAN