(Isinusulong ng ACT) P50K MINIMUM NA SAHOD SA TITSER

ITINUTULAK ng Alliance of Concerned Teachers (ACT)  ang legislated raise sa starting salary ng mga guro sa  P50,000, binigyang-diin na ang kasalukuyang sahod ay hindi sapat para magkaroon ng “living wage.”

“Hindi po ‘yun living wage. Maraming kaltas. Marami po talaga sa amin ay baon sa utang. Naka-loan ang aming mga ATM,” pahayag ni National Capital Region Union President Ruby Bernardo.

Sinabi ni Bernardo na ang salary hike ay dapat ipasa sa pamamagitan ng batas.

Sa kasalukuyan, ang sahod ng Teacher I ay P27,000 sa buong bansa.

“Sa palagay po namin, talagang napag-iiwanan ang sahod ng mga teachers… ‘Yung mga teachers po ay nanatiling maliit ang sahod at hindi pa nagkaroon ng substantial increase,” aniya.

Sinabi pa ni Bernardo na maraming guro ang nakikipagsapalaran sa ibang bansa dahil sa mababang suweldo.

Umaasa naman ang grupo na bibigyang prayoridad ng kasalukuyang administrasyon  ang pagtataas sa sahod ng mga guro.

“Hoping na sa kasalukuyang administrasyon ay ma-prayoridad naman ang ating mga teachers. For so long, kahit noong panahon ng pandemya iba ‘yung sakripisyo ng ating mga public school teacher.”