(Isinusulong ng BH partylist) MEDICAL ASSISTANCE SA PRIVATE HOSPITALS

BATAS na magpapatupad ng permanenteng tulong medikal sa mga mahihirap na pasyente ng private hospitals, dapat gawing prayoridad ng gobyerno.

Ito ang isusulong ni House Deputy Speaker Bernadette Herrera sakaling muling mahalal sa Kongreso ang Bagong Henerasyon (BH) Partylist sa darating na eleksyon sa Mayo 9. Si Herrera ay tumatakbo para sa ikatlong termino nito bilang kinatawan ng BH Partylist.

Ani Herrera, ang kanyang nabanggit na panukala ang titiyak na may nakalaang tulong medikal ang Department of Health (DOH) at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga Pilipinong walang kakayahang pinansiyal na magbayad sa mga pribadong ospital.

“Ang pananaw ko kasi rito, dahil mas naging mahusay na ang sistema ng ating medical assistance program na ipinatutupad ng DOH at ng DSWD. Sa public hospitals deretso ‘yan, walang problema.

Nakakalabas (nang ospital) ang mga pasyente na walang binabayaran,” paliwanag ni Herrera sa panayam sa kanya sa Kapihan sa Manila Bay media forum nitong Miyerkoles.

“Sa private (hospitals) po, kailangan may MOA (memorandum of agreement) sa pagitan ng private hospitals at ng gobyerno. Sa pamamagitan nito, makapaglalagak ng kaukulang pondo ang gobyerno sa pamamagitan ng Universal Health Care Law at ng medical assistance program sa mga pribadong ospital, na maaaring maging opsyon ng mahihirap nating mga kababayan kung wala na silang mapuntahang public hospitals. Kung may emergency cases sila that would be a mechanism for government to put funds sa private hospital para in cases of emergency na wala nang public hospital na available, kaya pa ring bayaran ng gobyerno ‘yung bill ng ating mahihirap na kababayan,” saad pa ni Herrera.

Sinabi nito na maging paalala sana sa gobyerno ang naranasan ng pinakamahihirap na Pilipino sa kasagsagan ng COVID-19 sa bansa, dahil kinailangan ng ilan sa kanila na magpagamot sa private hospitals dahil sa kakulangan ng public hospitals na maaari nilang puntahan. Dito aniya, kinakailangan ang pagkakaroon ng medical assistance maging sa mga pribadong pagamutan.

Ani Herrera, lahat umano ng maaari niyang gawing paraan ay ginawa niya upang mahimok lamang si DOH Secretary Francisco Duque na umayon sa kanyang panukala.

“Kinulit ko po noon si Secretary Duque na dapat, may kaukulang tulong ang indigent patients na itinatakbo sa emergency rooms ng private hospitals. Karamihan kasi sa kanila, tumakbo lang doon dahil wala nang mapuwestuhan sa mga pampublikong ospital. Pero sana rin, mabayaran din sa tamang oras ang private hospitals na tatanggap ng mga pasyenteng ginarantiyahan ng medical assistance,” pahayag ng beteranang mambabatas.

Aniya pa, basta’t mayroong MOA ang private hospitals at ang DSWD o DOH, puwede nang magpalabas ng guarantee letter na makatutulong sa mga maralitang pasyente na itatakbo sa private hospitals dahil sa emergency cases.

Nilinaw na Herrera na ang isang administrative order na gumagarantiya sa medical assistance ay hindi sapat kaya’t kinakailangang mayroong batas na magpapatibay sa kautusang ito.

“Kaya excited po akong bumalik sa Kongreso para magkaroon talaga ng magandang partnership ang private hospitals at ang government sa kondisyong dapat bayaran sa tamang panahon ng gobyerno ang mga pribadong ospital kaugnay sa medical assistance. Dapat, pay on time dahil kawawa rin ang mga pribadong ospital. Pero dapat talaga ay maisabatas ito sa lalong madaling panahon,” ani Herrera.