HINIKAYAT ng isang business leader ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) na samantalahin ang paggamit ng teknolohiyang digital dahil sa kahalagahan nito sa kasalukuyang paraan ng pagpapalago ng mga hanapbuhay, kalakalan at ekonomiya ng mga bansa sa South East Asia na kinabibilangan ng Pilipinas.
Ginawa ni Association of Southeast Asian Nations-Business Advisory Council (ASEAN-BAC) Chairman Joey Concepcion ang pahayag sa Pandesal Forum sa Kamuning Bakery kahapon sa Quezon City.
Ito ay naging laman din ng kanyang mensahe kamakailan sa ASEAN Business Summit tungkol sa “Digital Powerhouse at the Nexus of Connectivity and Transformation” sa Jakarta, Indonesia.
Dinaluhan ang naturang summit ng mga stakeholder ng mga pangunahing multinational companies, iba’t ibang institusyon na pampinansiyal, at mga sangay ng pamahalaan ng mga miyembrong bansa ng ASEAN na kinabibilangan ng Brunei Darussalam, Burma, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Philippines, Singapore, Thailand, at Vietnam.
Tinalakay sa naturang summit ang mga strategic policy upang mapaunlad ang mga ekonomiya gamit ang financial e-trade at cross-border trade facilitation, lalo na sa sektor ng agrikultura at mga kalakalang isinasagawa sa loob at labas ng bawat bansa sa rehiyon.
“All of these tools are important to uplift the lives of our people. That’s why we are here: how do we solve big problems especially for those who are at the bottom of the pyramid,” sabi ni Concepcion matapos ihayag na one-fifth ng populasyon ng apat sa 10 kasaping bansa ng ASEAN ay nananatiling namumuhay sa kahirapan.
“The power of digital has to be used. Crisis pushed people to use these tools and this is one of the reasons we in the ASEAN BAC Philippines proposed to sign an MOU with each ASEAN country to focus on sectors that will bring development, specifically agriculture and MSMEs,” aniya.
Iginiit ni Concepcion na ang “digitalization” ay magiging kapaki- pakinabang at lubos na makatutulong sa pag-asenso ng mga negosyanteng mag-isang nagtataguyod ng kanilang negosyo na tinaguriang nanopreneurs.
“They now have a better chance at succeeding because they have access to marketing tools and digital payment solutions,”sabi pa ni Concepcion.
“We are the big brothers … Unless we embrace the MSMEs in our value chain this is going to take a long time … That is our mission as ASEAN BAC heads, to see to it that greater prosperity is achieved,” dagdag pa niya.
Ang ASEAN-BAC ay inorganisa ng mga kasaping bansa ng ASEAN upang tumulong sa mga pribadong sector, kabilang ang maliliit at may katamtamang laki ng negosyo na mapalakas at mapabilang sa integrasyon sa ekonomiya ng mga bansa sa rehiyon.
Sa kasalukuyan ang ASEAN ay itinuturing na may “fastest growing internet market” sa mundo, kung saan 40 porsiyento ang naitalang taunang paglago ng e-commerce mula 2016 hanggang 2021.
“It is set to become the world’s fastest growing digital market driven by a growing consumer market and the rapid adoption of social commerce platforms by its population. This growth must be inclusive in order to unlock the benefits” ayon kay Concepcion. Ang Pilipinas, aniya, ay isang magandang halimbawa kung paano lumago ang digital economy sa mga lockdown na naganap noong pandemya.
“We must enable MSMEs to use digitalization to their advantage. Digital growth is seen to boost cross-border e-commerce by providing MSMEs with access to new markets, and is hoped to promote financial inclusion to underserved populations,” dagdag pa ni Concepcion.
MA. LUISA M. GARCIA