(Isinusulong ng biz sector) ALERT LEVEL 2 SA METRO

ITINUTULAK ng mga negosyante ang pagsasailalim sa Metro Manila sa mas mababang alert level sa Nobyembre sa gitna ng patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19.

Sa isang statement, sinabi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship at Go Negosyo founder Joey Concepcion na umaasa ang business sector na isasailalim ang NCR sa Alert Level 2 sa susunod na buwan na magbibigay ng dagdag na kapasidad sa indoor at outdoor operations ng mga negosyo.

Tinukoy ni Concepcion ang datos mula sa OCTA Research na nagpapakita na maaaring bumaba ang COVID-19 cases sa bansa sa wala pang 2,000 kada araw sa pagtatapos ng Nobyembre.

“This is certainly good news for business establishments as they would be getting closer to their ultimate goal of operating at full capacity. This is important for business as this would give them a chance to cover operational expenses such as workers’ salary and supply, among others,” ani Concepcion.

Aniya, sa pagtaas ng operating capacity ay maraming trabaho ang naibabalik sa labor market.