(Isinusulong ng BSP) INVESTMENT SA ISLAMIC BANKING

Benjamin Diokno

NAKIKIPAG-UGNAYAN ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa Bangsamoro government, kasama ang ilang ahensiya ng pamahalaan bilang bahagi ng whole-of-government approach para makahikayat ng investment sa Islamic banking.

Ayon kay BSP Governor Benjamin Diokno, naglatag ang monetary authorities ng comprehensive set of regulations para isulong ang mas malawak na investor at consumer participation sa Islamic banking.

Kasunod ito ng pagsasabatas sa ilang measures noong mga nakalipas na taon, kabilang ang Organic law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ang Act Amending the BSP Charter, at ang Act Providing for the Regulation and Organization of Islamic Banking Banks.

Ayon kay Diokno, ang nasabing mga regulasyon ay kinabibilangan ng  Circular No. 1069, na tumatalakay sa licensing framework; Circular No. 1070 o ang Shari’ah Government Framework; at Circular No. 1116 na tumatalakay sa liquidity risk management.

Aniya, inilabas ng central bank noong March 23, 2022 ang reporting framework para sa Islamic banks at Islamic banking units, na naka-align sa single regulatory at supervisory framework ng BSP.

“It highlights that (the) existing regulations apply to Islamic banks and Islamic banking units insofar as these are consistent with Shari’ah principles or requirements,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Diokno, ang  Islamic banking units ay inaatasang ihiwalay ang mga libro at record nito sa  conventional bank.

“Aside from promoting transparency, this aims to ensure that transactions of the Islamic banking unit are carried out in accordance with Shari’ah principles.”

Ang Islamic banking ay hindi katulad ng conventional banking dahil ang una ay hindi nagpapataw ng interest alinsunod sa Shari’ah law na nagsusulong ng risk-sharing.

Sa kasalukuyan, ang Al-Amanah Islamic Investment Bank of the Philippines ang tanging Islamic bank sa bansa.

Ang bangko ay itinatag noong 1973 sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 264 at naunang pinangalanan bilang Amanah Islamic Bank. May kapital ito na nagkakahalaga ng P50 million.                                PNA