ITINUTULAK ng Department of Finance (DOF) ang pagpapataw ng mga bagong buwis, pagpapaliban sa personal income tax reductions, at pagpapalawak sa sakop ng Value-Added Tax (VAT) upang makatulong sa pagbabayad ng lumolobong utang ng bansa.
Sa kanilang “Proposed fiscal consolidation and resource mobilization plan”, sinabi ng DOF na ang panukala ay naglalayong makalikom ng average na hindi bababa sa P349.3 billion na bagong revenues mula 2023 hanggang 2027.
Ang utang ng Pilipinas ay pumalo na sa record P12.68 trillion noong Marso, kung saan ang debt-to-GDP ratio ay tumaas sa 63.5 percent. Ayon sa DOF, mas mataas ito kumpara sa internationally prescribed best practice na 60 percent.
Sinabi ng ahensiya na ang bagong measures na kinabibilangan ng carbon tax, buwis sa motorcycles, single-use plastics, at cryptocurrencies, ay naglalayong mabayaran sa loob ng 10 taon ang karagdagang P3.2 trillion na inutang ng pamahalaan para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
“Pursuing the fiscal consolidation and resource mobilization program as proposed will help us continue to spend on socioeconomic programs, maintain our credit ratings, and grow out of our debt,” pahayag ni Finance Secretary Carlos Dominguez III sa isang statement.
Ani Dominguez, kung wala ang naturang measures ay maaaring kailanganin ng gobyerno na magbawas sa paggasta sa socioeconomic programs o mangutang pa para mabayaran ang utang.
Babala ng kalihim, maaari itong magresulta sa “cascading effects on interest payments that could also ultimately force budget cuts and stifle economic growth.”