(Isinusulong ng DTI) COVID-19 SELF-TEST KITS

UPANG magkaroon ng isa pang layer ng proteksiyon sa gitna ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19, itinutulak ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagkakaroon ng COVID-19 self-test kits sa mga botika.

Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, panahon na para baguhin ang protocol sa pamamagitan ng paghimok sa paggamit ng COVID-19 self-test kits upang maiwasan ang hawaan.

“Because if one is not feeling anything, or asymptomatic, one would not have done anyway an RT-PCR (reverse transcription-polymerase chain reaction) for that day. But an antigen test can detect if one is infectious or not for that day, and (that) can be preventive. This should be part of a new normal protocol,” sabi ni Lopez.

Aniya, ang kanyang rekomendasyon ay isinumite na sa  Technical Working Group ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases noong nakaraang Disyembre 31.

Ayon sa DTI, noong Oktubre ng nakaraang taon pa nila isinusulong ang pagkakaroon ng COVID-19 self-test kits.

“This is better than no test at all for asymptomatic. (It is) another layer of protection,” aniya.

Ayon pa sa trade chief, ang  Food and Drug Administration-approved antigen self-test kits ay dapat maging available sa mga botika nang sa gayon ay boluntaryong ma-screen ng mga tao ang kanilang mga sarili para sa  COVID-19 sa kanilang mga tahanan.

Idinagdag ni Lopez na ang RT-PCR test ay dapat pa ring isagawa para sa symptomatic individuals.

“In these increasing cases, presumably of Omicron, it is important to have another layer of protection,” ani Lopez. “Again, this is on top of the required vaccination, and RT-PCR (is) still needed for asymptomatic.”

Ang at-home rapid test kits para sa COVID-19 screening ay ginagamit sa United States, Canada, Europe, Singapore, at  Hong Kong para makontrol ang transmission ng COVID-19. PNA