(Isinusulong ng egg group) BENTAHAN NG ITLOG PER KILO

IPINANUKALA ng isang egg group na gawing kada kilo ang bentahan ng itlog sa halip na kada piraso.

Ito’y sa gitna ng pagmamanipula umano ng mga retailer sa aktuwal na laki ng mga itllog para mas malaki ang kanilang kitain.

Ayon kay AGAP party-list Rep. Nicanor Briones, chairperson ng Egg Council of the Philippines, ang panukalang gawing kada kilo ang bentahan ng itlog ay nagsimula makaraang magreklamo ang ilang mamimili na ang small-sized eggs ay ibinebenta bilang medium at ang medium-sized eggs ay ipinagbibili bilang large.

“May posibilidad ‘yan kasi hindi kabisado ng consumer ang tamang size,” sabi ni Briones sa isang panayam sa radyo.

Aniya, sa ilalim ng mga tuntunin ng DTI, ang itlog ay kinaklasipika sa pamamagitan ng timbang at hindi sa laki.

“There is a standard weight para sa lahat ng mga itlog. We have a machine that sorts eggs by weight,” ani Briones.

Ang problema lang, aniya, sa pagbebenta ng itlog per kilo ay maraming consumers ang hindi bumibili ng itlog nang maramihan kundi kada piraso.

Nilinaw rin ni Briones na ang pagtaas sa presyo ng itlog ay sanhi ng mataas na demand tuwing holidays. Inaasahan aniyang bababa ang presyo ng itlog sa ikalawa o ikatlong linggo ng Enero.