(Isinusulong ng NIA) P200-B DAM PROJECTS

HINILING ng National Irrigation Authority (NIA) sa pamahalaan na maglaan ng P200 billion kada taon para sa dam-related projects, sa layuning maisulong ang agricultural landscape ng bansa.

“Ang ideal sana, para sa akin, meron sana ma-implement ang gobyerno ng P200-billion worth of dam projects para lamang mabago ‘yung agricultural landscape,” wika ni NIA administrator Eddie Guillen sa isang press briefing sa Malacañang.

“Ang akin lang, sana ayun ‘yung budget per year,” aniya.

Ipinaliwanag ng opisyal na ang mga dam ay maaaring gamitin sa iba’t ibang paraan bukod sa farm irrigation.

“Kapag meron ka kasing dam, automatic meron ka para sa irrigation,” ani Guillen.

“Pero ‘yung ibang dams kasi may power components…puwede mo rin siya gamitin sa aquaculture…puwede rin pang tourism. Napakaraming factors ang pwede mong gawin kapag meron kang dam.”

Sinabi ni Guillen na inatasan na ng Pangulo ang NIA at ang Department of Public Works and Highways na magtulungan para sa mas mabilis na pagpapatupad sa irrigation projects.