(Isinusulong ng POEA) 7,500 DEPLOYMENT CAP SA HEALTH WORKERS

NAIS ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na itaas sa 7,500 ang deployment cap sa healthcare workers sa gitna ng pagluluwag ng COVID-19 protocols sa ibang bansa.

Sa Laging Handa public briefing nitong Huwebes, sinabi ni POEA administrator Bernard Olalia na mula Enero hanggang Mayo ngayong taon ay mahigit 2,000 nurses na ang naipadala sa ibang bansa.

“Dahil inaasahan natin na nagluluwag na ‘yung protocols at tayo naman ay may supply na ng nurses dahil ang PRC ay nakapag-administer na ng nursing licensure examination last year at saka ngayong taon na ito at may dagdag tayong registered nurses, maaari nating irekomenda sa Mission Critical Skills at doon sa technical group, sa IATF na puwedeng iangat na, increase natin ‘yung deployment cap na 7,500,” ayon kay Olalia.

Aniya, pagsapit ng katapusan ng 2022 ay inaasahang mabi-breach ang 7,500.

Samantala, sa paghupa ng COVID-19 pandemic ay mas maraming bansa sa Europe ang nais kumuha ng mga manggagawang Pinoy para sa iba’t ibang industriya tulad sa health care sector. ayon sa isang opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sinabi ni Labor Attaché Atty. Maria Corina Buñag na kahit sa gitna ng pandemya ay may mga bansa sa Europe na nasa hurisdiksiyon ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Milan, Italy ang gustong kumuha ng Pinoy workers.

Aniya, bukod sa Milan at Northern Italy ay may umuusbong na labor market ang bansa sa Austria, Romania, Croatia, Hungary, at Slovakia.

“Italy is now fast becoming an active destination for our OFWs because the employment landscape remains strong and attractive and there is a huge demand for Filipinos,” sabi ni Buñag.