PINULONG ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga kinatawan mula sa sektor ng paggawa at namumuhunan ng industriya ng pagbabangko para muling gawing aktibo ang Banking Industry Tripartite Council.
Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma, ang inisyatiba ay bahagi ng pinaigting na pagsisikap ng Kagawaran na palakasin ang social dialogue at tripartite mechanism sa national, regional, at industry level.
“Sa mga nakalipas na buwan ay aming nire-reactivate, nire-reconstitute, at pinalalakas ang mga umiiral na tripartite council hindi lamang pang national, pati pang regional at iyong mga industriya na mayroong existing [tripartite councils]. Ang layunin ay upang maisulong ang tripartism, social dialogue, at consultation lalo na sa mga usaping may kinalaman sa mga manggagawa at namumuhunan sa anumang sektor na inyong kinabibilangan,” pahayag ng
Kalihim na namuno sa pagpupulong noong Agosto 15, 2024 sa Intramuros, Maynila.
Binigyang-diin ni Laguesma ang kahalagahan na muling pulungin ang Konseho dahil sa nagbabagong mundo ng paggawa sa industriya ng pagbabangko na may mahalagang papel na ginagampanan sa pag-unlad ng ekonomiya.
Sumang-ayon ang mga kinatawan ng sektor na paigtingin ang representasyon ng Konseho, pagdaraos ng regular meeting at industry conference, at pagsasagawa ng internal consultation para palakasin ang ugnayan ng manggagawa at employer sa industriya ng pagbabangko. Sinang-ayunan din ng Konseho ang pagdaraos ng meeting sa Setyembre.
Dumalo sa meeting ang mga kinatawan mula sa sektor ng manggagawa mula sa National Union of Bank Employees (NUBE), Federation of Free Workers (FFW), Associated Labor Unions (ALU), National Association of Trade Unions (NATU), Federation of Unions in BPI Unibank (FUBU), Maybank Philippines, Inc. Employees Union (MPIEU), Philnabank Employees Association (PEMA), New Philippine Veterans Bank Employees Union (NPVBEU), and League of Independent Bank Organization (LIBO); at employer mula sa Bankers Association of the Philippines (BAP), Chamber of Thrift Banks (CTB), at Rural Bankers Association of the Philippines (RBAP).
Dumalo rin sina Undersecretary Atty. Benedicto Ernesto R. Bitonio, Jr., ng Labor Relations, Policy and International Affairs Cluster and Regional Operations Cluster; Undersecretary Atty. Felipe N. Egargo, Jr., ng Legislative Liaison and Legal Affairs Cluster and General Administration Cluster; Assistant Secretary Atty. Paul Vincent W. Añover ng Employment and Human Resource Development Cluster; National Wages and Productivity Commission Executive Director Maria Criselda R. Sy; Labor Arbiter at Bureau of Labor Relations Officer-In-Charge Atty. Maria Consuelo S. Bacay; National Conciliation and Mediation Board (NCMB) Executive Director Atty. Maria Teresita D. Lacsamana-Cancio; at NCMB Deputy Executive Director Teresita E. Audea.