INIREKOMENDA ni House Committee on Metro Manila Development Vice Chairman Rodolfo Ordanes na bawasan ang tollway fee sa Skyway.
Ito ang naisip na solusyon ng kongresista para lumuwag ang EDSA at mabigyan ulit ng access ang mga provincial bus sa bus lane at carousel routes makaraang magkalituhan at mahirapan na naman ang mga commuter dahil sa window period policy.
Sa kanyang rekomendasyon, pinatatapyasan ng kongresista ng 50 porsiyento ang toll fee sa Skyway at iba pang elevated roads upang ma-decongest o lumuwag ang EDSA.
Kung bababaan, aniya, ang tollway fee ay tiyak na maraming motorista na ang dadaan sa Skyway, na magbibigay-daan para lumuwag ang EDSA at makapagbigay ng espasyo para sa provincial buses.
Iginiit ng mambabatas na hindi lamang mga manggagawa sa labas ng Metro Manila kundi pati mga matatanda at mga bata ay nalalagay sa panganib ng COVID-19 bunsod ng window period na ipinatutupad. CONDE BATAC