SA layuning maibsan ang mabigat na epekto ng patuloy na pagsirit sa presyo ng mga produktong petrolyo, inihain ni House Committee on Agriculture and Food Vice Chairman at Occidental Mindoro Rep. Leody ‘Odie’ Tarriela ang panukalang pagpapataw ng kaukulang excise tax sa diesel at unleaded premium gasoline base sa halaga nito kada litro.
Binigyang-diin ni Tarriela sa kanyang House Bill no. 3628 na kailangang tumugon ang pamahalaan sa serye ng oil price hike dahil apektado nito ang pang-araw-araw na gastusin ng sambayanang Pilipino.
“This continuing increase in fuel prices affects not just motorists or rich people with motor vehicles. It affects everyone as prices of basic commodities increase as fuel prices increase,” sabi pa ni Tarriela.
“HB 3638 will cushion this burden. Moreover, by having this graduated reductions of excise tax as petroleum prices increases, then we can truly say that our system of taxation is indeed progressive,” aniya.
Sa ilalim ng HB 3628, kapag ang pump price ng unleaded premium gasoline ay nasa P50 o mas mababa pa kasa litro, ito ay papatawan ng P10 excise tax, na babawasan naman ng P1 sa kada P5 price increase nito kada litro o hanggang sa umabot na lamang sa P4 ang excise tax kapag pumalo sa P75 o pataas kada litro ang presyo nito.
Para naman sa diesel, ang excise tax ay itatakda sa P6 kapag ang presyo nito kada litro ay P50 pababa, kung saan ang nasabing buwis ay babawasan ng 50 centavos sa bawat P5 price hike per liter hanggang sa ito ay umabot na lamang sa P3 o kapag sumipa sa P75 o higit pa ang presyo nito kada litro.
“Kung ang HB 3628 ay maisasabatas, ang nakaakmang pagtaas ng presyo ng petrolyo ay maiibsan nang kaunti. Magiging mas mababa (ang excise tax) ng P6 sa gasoline at P3 naman sa bawat litro ng diesel,” dagdag pa niya.
Magugunita na sa ilalim ng Republic Act 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, ang excise tax na ipinapataw sa diesel ay nakapako sa P6 kada litro habang P10 naman kada litro sa gasolina, na ipinatupad simula noong 2020.
ROMER R. BUTUYAN