INIREKOMENDA ni ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro ang P32 billion na supplemental budget para masiguro ang 100 porsiyentong face-to-face classes.
Sa House joint resolution na inihain ng Makabayan Bloc sa Kamara ay P32 billion ang pondong ipinalalaan na paghahatian ng Department of Education (DepEd) , Department of Science and Technology (DOST) at ng mga piling SUCs para sa dagdag na alokasyon ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng mga pampublikong paaralan na nasa ilalim ng kanilang hurisdiksiyon.
Ang pondo ay pinagagamit para matiyak na may sapat na pasilidad ang mga paaralan upang matiyak na ligtas ang mga mag-aaral sa oras na magbalik sa klase.
Nakasaad sa resolusyon na sa ilalim ng 2021 at 2022 national budget ay hindi kasama sa
kinonsidera para paglaanan ng sapat na pondo ang posibilidad ng pagbabalik sa mga paaralan.
Bunsod ng kakulangan sa panahon para mapaghandaan ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan dagdag pa ang kakapusan at delay sa pagbibigay ng pondo ay pinapasan na ng mga guro at mga schools division ang paglalatag ng ‘health at safety measures’ sa mga eskwelahan para lamang makasunod at makapasa sa ‘verification process’ ng DepEd.
Ang supplementary budget na P32 billion para sa MOOE ng mga public school ay pinahuhugot sa P440 billion na koleksiyon sa oil excise taxes.
Giit ni Castro, panahon na para mas bigyang prayoridad ng pamahalaan ang edukasyon at kung nais talaga ang 100% face-to-face classes sa Nobyembre ay mahalagang matiyak ng gobyerno na may sapat na kakayahan at kagamitan ang mga paaralan para sa ligtas na pagbabalik ng mga mag-aaral sa klase.