UPANG matiyak na magiging konektado ang buong bansa sa internet, muling inihain ni Senador Win Gatchalian ang isang panukalang batas na layong palawigin ang kasalukuyang digital infrastructure ng bansa sa pamamagitan ng satellite-based technologies.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 814 o ang Satellite-Based Technologies for Internet Connectivity Act of 2022 na unang inihain ni Gatchalian noong 18th Congress, isusulong ng pamahalaan ang paggamit at pag-develop sa mga satellite services upang matiyak ang universal access sa internet. Itinuturing na malaking tulong ito sa e-government at sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo, kabilang ang edukasyon, kalusugan, kalakalan, pananalapi o pinansiya, kahandaan sa kalamidad, at kaligtasan ng publiko.
Ayon kay Gatchalian, hindi pa naaabot ng Pilipinas ang potensyal nito pagdating sa digital technology, lalo na’t wala pang kalahati (45%) ng mga Pilipino at 74 porsiyento ng mga pampublikong paaralan ang hindi pa konektado sa internet, batay sa isang pag-aaral ng The Asia Foundation noong 2019.
Ayon sa Ookla Speedtest Global Index Report, ang average download speed para sa mga fixed broadband connection sa unang quarter ng 2022 ay 52.16 megabytes per second (Mbps), ‘di hamak na mababa kung ihahambing sa global average na 113.25 Mbps buhat noong Setyembre 2021.
Ipinaliwanag ng senador na sa pamamagitan ng satellite-based technology, nagpapadala ang Internet Service Provider (ISP) ng fiber internet signal sa satellite sa kalawakan. Ang satellite dish ay konektado sa modem ng user upang makakonekta at makagamit ito ng internet.
Pinapayagan ng panukalang batas ang direct access ng Value-Added Service (VAS) Providers at mga Internet Service Providers (ISPs) sa lahat ng mga satellite systems upang mapalawig ang mga satellite-based networks. Pinahihintulutan din ng naturang panukala ang mga government organizations, public at non-profit private institutions, at mga volunteer organizations na may kinalaman sa edukasyon, kalusugan, pananalapi, agrikultura, environmental management, climate change management, kahandaan sa sakuna, at pagtugon sa mga krisis upang magpatakbo ng satellite-based technology.
Para naman makatulong sa pagresponde sa mga kalamidad, magiging mandato sa mga local government unit na maglagay ng mga satellite-powered na kagamitan para sa komunikasyon tulad ng satellite phones, satellite-powered portable cell sites, at iba pa.
Pinalalawig din ng panukalang batas ang mandato ng Department of Information and Communications Technology (DICT). Mapapabilang sa mga responsibilidad ng ahensiya ang pagbalangkas ng mga satellite policies pati na rin ang regulatory at administrative supervision sa mga ISPs at VAS.
“Batay sa naging karanasan natin nitong panahon ng pandemya, nakita natin kung gaano kahalagang maabot ng internet ang bawat isa sa ating mga kababayan. Kaya naman isusulong natin ang paggamit ng satellite-based technology upang mapadali ang pag-abot sa mga lugar na hindi pa konektado sa internet,” ani Gatchalian.
Magiging bahagi rin ng mandato ng DICT ang pagtukoy sa mga lugar na itinuturing na unserved at underserved ng mga tradisyonal na broadband network operators, at kung saan maaaring magamit nang husto ang satellite-based internet, dagdag ng senador.
VICKY CERVALES