(Isinusulong para sa professionals) ABOT-KAYANG TRAINING PROGRAMS

Sherwin Gatchalian

HABANG nirerepaso ng Kongreso ang pagpapatupad ng Continuing Professional Development (CPD) Act, isinusulong ni Senador Win Gatchalian na gawing abot-kaya at praktikal ang training programs na kailangang bunuin ng mga propesyunal sa bansa upang makapag-renew ng lisensiya.

“Kung magkakaroon ng pamantayan at isasakatuwiran ang mga bayarin pati na rin ang mga online training program habang may umiiral na pandemya, makatuwiran lang na tanggalin na ang mga dagdag na gastusin ng mga prospesyunal sa pagre-renew nila ng kanilang Professional Identification Card (PIC),” ani Gatchalian.

Matapos umani ng reklamo mula sa stakeholders kaugnay sa pagpapatupad ng CPD Act, sinabi ng Professional Regulatory Commission (PRC) na naglabas na sila ng ilang resolusyon upang gawing mas flexible ang mga nire-require na pagsasanay at seminars na naglalayog itaas ang kuwalipikasyon ng professionals.

Kabilang dito ang accreditation ng online courses at ang hindi pagsingil ng accreditation fee sa mga online training program na kaagad namang pinuri ni Gatchalian dahil tinutugunan nito ang kapakanan ng professionals sa ganitong panahong may krisis.

“Ang common denominator na reklamo ng mga professionals ay magastos ang CPD. Ako mismo ay saksi noong minsang maimbitahan ako bilang resource person. Nakita ko na may kasamang shopping activity o side trip sa mall at ‘yung kanilang academic side ay tumatagal ng hanggang isa’t kalahating araw. Ang mga ganyang karagdagang gastusin ang kadalasang pinagmumulan ng mga reklamo, lalo na sa mga nagmula pa sa labas ng Metro Manila,”diin ni Gatchalian.

“Sadyang ginawa nang negosyo ng ilan ang CPD. Hindi naman lahat ng mga professionals ay high-earning professionals. May mga professionals na maliit lang ang kinikita,” dagdag pa ng senador.

Ang CPD Act na naging ganap nang batas noong Hulyo 21, 2016 ay inirereklamo ng karamihan sa mga lisensyadong propesyonal kabilang na ang teachers, engineers, accountants, doctors, at nurses.

Bukod sa hirap na ang marami sa kanila na sundin ang requirements, nakakalito umano ang proseso at kulang pa ang accredited training providers.

Ang mga saklaw na propesyonal sa ilalim ng CPD Act ay kinakailangang makumpleto ang required na 15 hanggang 45 credit units para sa ilan sa kanila o hanggang 120 units para sa certified public accountants bago makapag-renew ng kanilang PIC.

May ilan nang naghain ng panukala sa Senado na layong amyendahan o ipawalang-bisa ang Republic Act No. 10912 o ang CPD Act of 2016. VICKY CERVALES

2 thoughts on “(Isinusulong para sa professionals) ABOT-KAYANG TRAINING PROGRAMS”

Comments are closed.