DAHIL sa nararanasang problema sa taas-presyo at nagbabantang pagbaba sa produksiyon o suplay ng bigas sa bansa, inihain ni House Committee on Appropriations Senior Vice Chairperson at Marikina City 2nd Dist. Rep. Stella Luz Quimbo ang House Bill No. 9030 o ang ‘Philippine Rice Emergency Response Act’ bilang solusyon umano sa nabanggit na mga problema.
Ayon sa ranking lady House official, base sa latest report ng Philippine Statistics Authority (PSA), noong Agosto ay dumoble sa 8.7% ang rice inflation mula sa 4.2% lamang noong Hulyo.
Sa price monitoring naman ng Department of Agriculture (DA), sinabi ni Quimbo na ang presyo ng bigas, partikular sa mga pamilihan sa Metro Manila nitong ring Agosto ay umabot sa P57 kada kilo, na 16% na mas mataas kumpara sa sinundang buwan.
Bukod dito, nagpahayag din ng pagkababahala ang Marikina City solon sa patuloy na pamamayagpag umano ng rice hoarders at nahaharap din sa banta ng El Niño ang bansa, na maaaring magresulta sa pagbagsak sa kabuuang aning palay ng mga magsasaka.
“Puno ng pangamba ang bawat Pilipino na sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng bigas, baka mauulit ang nangyari sa kaso ng sibuyas noong 2022. To allay the fears of the Filipino people, there is an urgent need for swift action,” sabi pa ni Quimbo.
“The Philippine Rice Emergency Response Act, filed as House Bill 9030, is not just a reaction to these challenges. Rather, it is a strategic set of solutions— a comprehensive tool kit —that seeks to shield consumers and our local farmers, as well as traders, during tight conditions in the rice market,” paliwanag naman niya sa kanyang inihaing panukalang batas.
Sa ilalim ng HB 9030, tatlong istratehiya ang ipatutupad na pinaniniwalaan ni Quimbo na magiging mabisang solusyon sa nabanggit na mga suliranin patungkol sa suplay ng bigas sa bansa.
“The first set of strategies is to directly address prices by ensuring sufficient supply. This bill seeks to allow imports by the NFA to increase its buffer stocks. Further, it uses rice tariff reduction as a way to further manage prices, especially when world prices of rice are high,” ani Quimbo.
“The second set of strategies includes subsidizing key stakeholders in the production and consumption of rice, including local farmers and impoverished households. In case a price ceiling is in place, retailers can also be subsidized if they face operating losses,” dagdag pa niya.
Ang panghuli naman na hakbang ay ang mahigpit na pagtugis sa mga hoarder at ang pagtatakda ng mas mabigat na parusa laban sa kanila.
Mungkahi ni Quimbo, ang mga mapatutunayang sangkot sa hoarding at illegal price manipulation ay mapatawan ng 10 hanggang 30 taon na pagkakakulong, mula sa kasalukuyang itinatakda ng Price Act na 5 to 15 years imprisonment lamang.
Bukod dito, ang multa ay gagawing P1 milyon hanggang P100 milyon mula sa kasalukuyang P500,000 hanggang P1 milyon, kung saan kapag ang akusado ay isang government official, ang pinakamataas na parusa ang ipapataw rito.
“Let us move forward with the unwavering aim to serve and uplift every Filipino family. Sama-sama po nating tiyakin na ang bawat butil ng bigas na ating kakainin ay siyang pupuno sa mas malusog at mas maunlad na Pilipinas,” pagtatapos ni Quimbo.
-ROMER R. BUTUYAN