ITINUTULAK sa Kamara ang pagkakaloob ng agricultural pension sa mga magsasaka at mangingisda sa bansa.
Sa House Bill No. 10740 na kanyang inihain, iginiit ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes na sa kabila ng napakahalagang bahagi ng mga magsasaka at mangingisda sa ekonomiya at buhay ng sambayanan, nananatiling isa sila sa mga pinakamahirap na sektor sa Pilipinas.
Ayon kay Ordanes, mahalaga ang mga magsasaka at mangingisda sa seguridad sa pagkain sa bansa at sila ang nagpapasigla ng kabuhayan sa mga kanayunan.
Aniya, isinusulong niya ang panukalang batas upang sa pagtanda ng mga nasa sektor ng agrikultura ay may regular silang matatanggap na pensiyon para sila ay may pantustos sa kanilang mga pangangailangan, tulad ng mga gamot.
Naniniwala rin siya na ang pagbibigay ng pensiyon sa mga magsasaka at mangingisda ay makapanghihikayat sa mga kabataan na ikonsidera ang sektor ng agrikultura bilang paraan ng regular na pagkakakitaan at kanilang ikabubuhay.
Paliwanag pa ng mambabatas, ang pagbibigay pensiyon sa mga magsasaka at mangingisda ay munti ngunit napakahalagang pagkilala sa kanilang ambag sa pang-araw-araw na buhay ng kanilang mga kapwa Pilipino.
“Kapag naging ganap na batas pagtitibayin din nito ang sektor ng agrikultura sa bansa,” dsgdag pa niya.
LIZA SORIANO