SA LAYUNING maging epektibo ang programang paglilinis at pangangalaga sa kapaligiran, isinusulong ng isang Mindanaoan congressman ang pagkakaroon ng tinatawag ni yang ‘Pera sa Basura Act’
Sa kanyang inihaing House Bill 5048, iginiit ni Iligan City Rep. Frederick Siao, chairman ng House Committee on Civil Service and Professional Regulation, na dapat nang tuldukan ang iba’t ibang ningas-kugon na kampanya hinggil sa pangongolekta ng basura.
Kumpiyansa ang Iligan City solon na ang pinakamabisang solid waste management program na maaaring isagawa ng gobyerno ay ang tumbasan ng pera o bilhin ang basurang itatapon kung saan maging ang bayad na bigas at food products ay pupuwede rin.
“Those sporadic cleanup operations at Manila Bay and our coastal areas, where are they now? Ningas cogon. Unsustainable show of force. We need a sustainable and scalable solution to the solid waste crisis. Our comprehensive solution is contained in House Bill 5048,” sabi ni Siao.
Sa ilalim ng panukala, magtutulungan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Agriculture (DA), at ang Department of Trade and Industry (DTI) na himukin ang lahat na ipunin at ipagpalit nila ang kanilang ‘non-hazardous’ at ‘recyclable solid wastes’.
Ang nasabing uri ng mga basura ay dadalhin sa tinatawag na ‘exchange center’ at ang maaaring ipambayad ng gobyerno dito bukod sa pera at bigas ay drinking water, canned goods at iba pang basic household consumer items.
Para naman sa ‘hazardous waste’, nakasaad sa HB 5048 na magkakaroon ang nasabing mga ahensiya ng ‘Hazardous Waste Recovery Protocols and Reporting System’ kung saan maaaring maipaabot ang impormasyon hinggil sa lokasyon at iba pang detalye tungkol sa peligroso o hinihinalang nakalalasong basura.
“Specially-trained and equipped personnel or teams may be deployed to safely recover the confirmed hazardous waste. The Hazardous Waste Recovery Protocols and Reporting System shall have a Cash Rewards feature to encourage the public to help government pinpoint and confirm the exact location of hazardous wastes,” nakasaad pa sa panukalang batas ni Siao.
Samantala, kapag ganap na naging batas, ang DENR, DA, at DTI na rin ang silang tutukoy o magtatakda ng katumbas na kabayaran sa bawat basurang ipagpapalit sa kanila. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.