BINIGYANG-DIIN ng isang ranking member ng minority bloc sa Kamara ang pangangailangang maamyendahan ang Republic Act 10607 o ang Insurance Code of 2013, partikular ang saklaw ng Compulsory Third Party Liability Insurance (CTPLI) para sa lahat ng commercial vehicles.
Sa kanyang inihaing House Bill No. 8498, iminungkahi ni Agri party-list Rep. Wilbert T. Lee na ang ‘death and bodily injured’ claim sa CTPLI para sa mga motor vehicle na gamit sa negosyo ay itaas sa P6.7 million mula sa kasalukuyang P100,000.
Bukod dito, isinusulong din ni Lee na maging P1 million ang halaga ng insurance claim para sa ‘death or injury per accident” ng sinumang pasahero, third party o pedestrian na nasangkot sa aksidente ng alinmang ‘four or more commercial motor vehicles’ na ‘designed to transport goods/cargoes and/or persons, with gross vehicle weight (GVW) of up to 4,500 kgs’.
Dagdag pa ng kongresista, ang insurance claim naman para sa pasahero, third party o pedestrian na masasangkot sa aksidente ng alinmang ‘four or more wheeled commercial motor vehicles’ na ‘designed to transport goods/cargoes and/or persons, with GVW of more than 4,500 kgs’ ay dapat nasa P2 million.
“Alam po nating hindi matumtumbasan ng pera ang buhay ng isang tao. Pero kapag naipasa po ang panukalang batas na ito, mabibigyan ng sapat na bayad pinsala ang lahat ng mga naaksidente at ang kanilang mga pamilya,” sabi pa ni Lee.
Ayon sa mambabatas, batid niyang maliit na halaga ang kasalukuyang P100,000 na maaring i-claim sa CTPLI at P15,000 sa ‘no fault indemnity’ kapag may isang nasawi o malubhang napinsala ang katawan dulot ng aksidente sa isang commercial vehicle kung kaya ipinupursige niya ang pagbabago sa itinatakda ng Insurance Code of 2013.
“Kung breadwinner ang namatay sa aksidente, hindi po kayang tustusan ng mga halagang ito ang pangangailangan ng pamilyang naulila,” dagdag pa ni Lee.
-ROMER R. BUTUYAN