(Isinusulong sa Kamara) KADIWA STORE SA BAWAT BARANGAY

ITINUTULAK sa Kamara ang paglalagay ng Kadiwa ni Ani at Kita Stores o Kadiwa stores sa bawat barangay sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang hakbang ng pamahalaan para maibsan ang nararanasang hirap ng mga mamimili dala ng patuloy na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sa kanyang House Bills 5878 at 5891, binigyang-diin ni Quezon City 5th Dist. Rep. PM Vargas na batid naman ang malaking tulong ng Kadiwa stores, kabilang na rito ang pagbibigay ng magandang oportunidad sa mga local farmer, gayundin sa mga consumer na makabili ng mga produkto sa mas mababang presyo, at pagtitiyak na may sapat na suplay ng pagkain sa bawat komunidad.

“The idea of having these stores permanently is a win-win solution to local suppliers and consumers especially now that prices of goods are on the steady rise,” sabi ng kongresista

“We intend to bring these rolling stores in respective communities to further lessen the expenses shouldered by the consuming public. Instead of spending for transportation cost, they could use the amount for more food items for the family,” dagdag pa niya.

Magugunita na sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA) ay muling binuhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Kadiwa program noong nakaraan taon sa kasagsagan na rin ng serye ng price hikes sa basic food products dala ng COVID-19 pandemic.

Bukod dito, hinimok din ni Pangulong Marcos ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan na palakasin ang tulong at pagsuporta sa mga magsasakang Pilipino kabilang ang direktang pagbili ng mga ani o produkto ng mga ito.

Dahil dito, nagkaroon ng pagkakataon na makalikha ng mga trabaho ang naturang atas ng Punong Ehekutibo, tumaas ang produksiyon ng local farmers at mas naging madali ang pagdaloy ng suplay ng agri products.

Kaya naman umaasa ang Quezon City lawmaker na ngayong papalapit ang holiday season ay magiging regular na programa ng Marcos administration ang Kadiwa stores, partikular ang paglalagay ng rolling stores sa mga barangay.

ROMER R. BUTUYAN