ALINSUNOD sa pagbibigay prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa sektor ng agrikultura, isinusulong ni AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee ang pagkakaroon ng Kadiwa Centers sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa bansa.
Sa House Bill No. 3957 o ang “Kadiwa Agri-Food Terminal Act”, binigyang-diin ni Lee na dapat masuportahan ng Kongreso ang pagnanais ng Marcos government na matutukan ang agri-sector, kabilang ang pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka, mangingisda, gayundin sa mga mamimili.
Giit ng Agri party-list lawmaker, sa gitna ng nagtataasang presyo ng gasolina at mga pangunahing bilihin, napakalaking tulong at biyayang maituturing ang Kadiwa Centers na malapit sa komunidad kung saan may mapagbebentahan agad ng kanilang produkto ang mga magsasaka at mangingisda nang hindi na kailangan pang bumiyahe ng malayo, habang ang mga consumer naman ay may mabibilhan ng mas mura at masustansiyang pagkain
Ayon pa kay Lee, sa ngayon, ang “Kadiwa ni Ani at Kita Program” ay isang agri-business and marketing initiative ng Department of Agriculture (DA) na layuning magkaroon ng direct link ang local farmers at fishermen sa mga mamimili kung saan ang mga produktong ibinebenta sa Kadiwa Centera ay mas mura ng 10 hanggang 20 percent.
Nakapaloob sa House Bill No. 3957 na iniakda ni Lee na para makapagbukas ng Kadiwa Centers sa lahat ng lungsod o siyudad at mga munisipalidad, maglalaan ng paunang P25 bilyon na pondo at upang maipagpatuloy ang operasyon, gayundin ang expansion o pagpapalawak ng programa ay bibigyan ng P10 bilyon ang Department of Agriculure (DA) sa taunang badget nito.
Nakasaad din sa proposed measure na dapat magkaroon ng close coordination ang Agriculture department at Local Government Units (LGUs) para sa pagtatayo at maayos na pamamahala sa agri-food terminals.
Samantala, iminumungkahi naman ni Lee ang tatlong kaparaanan na maaaring pagbasehan ng DA at LGUs sa paglalagay ng Kadiwa Centers; una ay ang konstruksiyon ng physical food terminals para sa retail and direct selling ng iba’t ibang produkto ng farmers, fisherfolks at food manufacturers o suppliers sa mga mamimili.
Pangalawa naman ay ang pag-deploy ng Kadiwa on Wheels, kung saan gamit ang konsepto ng ‘rolling stores’ ay maaaring makapagbenta ng agri-fishery products sa mga barangay at komunidad.
Habang ang ikatlo ay ang tinatawag na ‘Kadiwa sa Pamahalaan’, na gamit ang tanggapan o biinidad na nasa kontrol ng national government o LGU, ay maglalagay ng trading centers para sa buying and selling ng agri-food products at iba pa.
“Through this measure, we also liberate farmers from the control of unscrupulous traders and middlemen. Talo ang mga mapanlamang na middleman. Panalo naman ang mga magsasaka, mangingisda, pati na ang mga mamimili—sa mas malaking kita at mas murang mga bilihin,” sabi pa ng kongresista. ROMER R. BUTUYAN