(Isinusulong sa Kamara) P5K CASH AID SA FRESH GRAD JOBSEEKERS

UPANG masuportahan sa kanilang pagsusumikap na magkaroon ng trabaho makaraang magtapos ng pag-aaral sa kolehiyo, inihain ni Deputy Speaker at Las Piñas City Rep. Camille Villar ang panukalang batas para sa pagkakaloob ng cash assistance sa mga ito.

Sa House Bill No. 6542 o ang panukalang “Fresh Graduates P5,000 One-Time Cash Grant Act” na iniakda ni Villar, ang nabanggit na financial aid ay ibibigay sa lahat ng fresh Filipino graduates ng Philippine tertiary institutions, colleges, universities, at training institutions.

“This bill seeks to compliment and help fresh graduates by giving them a one-time cash grant in the amount of P5,000 which they can use as productivity/earnest fund [for their] application for employment, transportation and settling-in amount, if they get a job soonest,” pahayag pa ng lady Deputy Speaker.

Ayon sa Las Piñas City solon, karamihan sa mga bagong graduate na desididong magkaroon ng maayos na hanapbuhay ay problemado kung paano nila tutustusan ang kanilang pag-a-apply, kabilang na rito ang patuloy na tumataas na pamasahe sa iba’t ibang pampublikong sasakyan, gayundin ang pagkakaroon ng maayos na kasuotan at iba pa.

Kaya naman sa ilalim ng HB 6542, nais ni Villar na mabigyan ng P5,000 cash aid ang bawat fresh graduate na pursigidong magkatrabaho kung saan ang magiging requirement ay ang pagsusumite lamang ng kopya ng kanilang diploma o anumang valid proof of graduation na inisyu ng educational institution kung saan sila nakapagtapos ng pag-aaral.

“The diploma, certification, document, or communication should clearly state the date of graduation or completion and the course completed or degree earned, and should be signed by the institution’s duly authorized representative,” nakasaad pa sa nasabing panukalang batas. ROMER R. BUTUYAN