(Isinusulong sa Kamara) PROTEKSIYON SA FREELANCE WORKERS

kamara

SINIMULAN na kahapon ng House Committee on Labor and Employment ang pagtalakay sa iba’t ibang panukalang batas na pawang naglalayong maisulong ang kapakanan ng ‘freelance workers’ at iba pang nakapaloob sa tinaguriang ‘Gig Economy’.

Ayon kay 1-Pacman party-list Rep. Enrico Pineda, chairman ng nasabing komite, napapanahong matalakay at mabigyan ng pansin ang panig ng ‘freelance workers’ lalo’t hindi malayong ito ang maging pangalawang pinakamalaking hanay ng mga manggagawang Filipino kasunod ng ‘call center agents’ o mga nasa local Business Process Outsourcing (BPO) sector.

Sa explanatory note ng House Bill 3219 na iniakda nina Deputy Speaker Eddie Villanueva at kapwa nito CIBAC party-list Rep. Domingo Rivera,  base sa pag-aaral ng University of the Philippines School of Labor and Industrial Relations (UP-SOLAIR), ang Filipinas ay pangatlo sa buong mundo na may pinakamaraming   ‘online freelancing’, na sumusunod sa United States at India.

“Based on latest available data, Filipino freelancers are pegged at 1.5 million. And, with the more varied and flexible job opportunities freelancing offers, this number is expected to baloon in the next years. And so are the challenges that come with this nature of employment,” paliwanag ng dalawang CIBAC party-list lawmakers.

Sa panig ni House Assistant Majority Floorleader at ACT-CIS party-list Rep. Rowena Niña Taduran, na siyang bumasa ng explanatory note ng House Bill 2019 na inihain ni 5th Dist. Quezon City Rep. Alfred Vargas, sinabi nitong maraming Filipino ang naaakit na pumasok sa freelancing lalo’t maaaring ikonsidera rin ito bilang long-term career track.

“Indeed, freelancing has become an attractive long-term career track for many Filipinos as it offers schedule flexibility, work-life balance, and greater financial freedom. But despite these perks, there still remain certain challenges faced by an average Filipino freelancer like taxation, job security, and employment protection,” anang lady solon.

Kabilang sa mga tinalakay sa nasabing committee hearing ang pagbibigay ng job security, labor protection at iba pa sa Filipino freelancers, kabilang ang pagpaparehistro ng mga ito sa Department of Trade and Industry (DTI), Securities and Exchange Commission (SEC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) para makapag-ambag din sila sa ekonomiya o kaban ng bansa sa pamamagitan ng pagbabayad ng kaukulang buwis.

Nabatid na ang kadalasang pang-aabuso na nararanasan ng freelance workers ay ang hindi pagbabayad sa serbisyong naipagkaloob nila dahil sa kawalan ng kontrata sa pagitan ng mga ito at ng pribadong kompanya o indibiduwal na kumuha sa kanila.

May panukala rin na ilibre ang mga rehistradong freelancer sa pagbabayad ng income tax sa ­unang tatlong taon at sa kasunod na mga taon ay magiging ‘exempted’ ang kumikita lamang ng hindi hihigit sa P300,000 kada taon at P10,000 ang income tax na babayaran ng mga kumikita ng lagpas sa P300,000 sa loob ng isang taon. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.