UPANG mas maging epektibo sa pagganap sa kanilang tungkulin, iginiit ni AGRI party-list Rep. Wilbert T. Lee na bigyan ng malaking pondo at dagdagan ang pangil o kapangyarihan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na naatasang labanan ang agri smuggling.
Kasabay nito, inihayag ng ranking House minority bloc member ang kanyang buong pagsuporta sa hangarin ni House Committee on Ways and Means chairperson at Albay Rep. Joey Salceda na bumuo ang Kamara ng isang independent body na tututok sa kampanya laban sa ilegal na pagpasok sa bansa ng iba’t ibang agricultural products.
“It’s high time that Congress, through its powers of legislation and oversight, gets involved in the fight before things get totally out of control. Kumilos na tayo para sa ating mga kababayan na nagdurusa dahil sa pambibiktima ng mga agricultural smugglers,” pagbibigay-diin pa ni Lee.
“This is an issue that transcends the divisions in Congress. Sa harap ng ganito kalaki at katalamak na problema, kailangang sama-sama tayong umaaksyon,” ayon pa sa AGRI party-list congressman.
Ani Lee, dapat ding palakasin, bigyan ng sapat na kapangyarihan at pondo ang mga ahensiya ng gobyerno na naatasang supilin ang agricultural smuggling upang lalong maging epektibo ang mga ito sa pagganap sa kanilang mandato.
“Bigyan natin ng sapat na pondo at ngipin ang mga opisinang gaya ng Office of the Assistant Secretary for Inspectorate and Enforcement sa ilalim ng National Food Safety and Food Security Agency para maisagawa nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin,” mungkahi pa ng mambabatas.
Tahasang sinabi ni Lee na dapat lamang na matuldukan na ang karumal-dumal na gawain patungkol sa agri smuggling, na matagal nang nagpapahirap sa pamilyang Pilipino at siya ring pangunahing dahilan kung bakit bumabagsak ang sektor ng agrikultura ng bansa.
Bukod dito, kailangan din aniyang imbestigahan at mapanagot sa batas ang mga mismong opisyal at kawani ng pamahalaan na mapatutunayang may direktang kaugnayan sa agri-smuggling. ROMER R. BUTUYAN