HINIMOK ni House Committee on Women and Gender Equality Chairperson at Bataan 1st Dist. Rep. Geraldine Roman ang mga kapwa niya mambabatas na suportahan at agad na aprubahan ang kanyang iniakdang House Bill (HB) No. 530, na naglalayong palawakin ang lugar na sasakupin ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), gayundin ang pagbibigay rito ng dagdag na kapangyarihan at ang pagkakaloob ng mas malaking shares sa local government units (LGUs) sa nakolektang buwis at naging kita nito.
Sa nabanggit na panukalang batas, isinusulong ng Bataan province lawmaker ang pag-amyenda sa Republic Act No. 7227, o ang Bases Conversion and Development Act of 1992, partikular ang layuning maitatag ang Subic Special Economic Zone (SSEZ), mapabuti ang revenue collections ng SBMA, maging professionalized ang Board of Directors ng huli at magpatupad ng reallocation formulas para sa shares ng mga lokal na pamahalaan at national government sa gross income ng naturang freeport zone.
Paliwanag ni Roman, sa ilalim ng ipinapanukala niyang SSEZ, mula sa kasalukuyang teritoryo na nakapaloob sa Subic Bay Freeport Zone (SBFZ), ang bahagi ng Olongapo City at Subic municipality sa Zambales City at mga bayan ng Morong at Hermosa sa Bataan; idadagdag dito ang bayan ng Dinalupihan sa Bataan at mga munisipalidad ng San Antonio, San Marcelino at Castillejos sa Zambales.
Subalit bago mapasama sa SSEZ, ang nabanggit na mga LGU ay kinakailangan munang makapagsumite sa SBMA at Office of the President (OP) ng aprubadong resolusyon mula sa kani-kanilang Sangguniang Bayan at maaari rin nilang pagpasyahan kung ang buong teritoryo o partikular na bahagi lamang ng kanilang lokalidad ang masasaklaw sa una sa loob ng hindi bababa sa 50 taon.
Nakasaad din sa HB 530 na walang national at local taxes na ipapataw sa SSEZ at sa halip, ang lahat ng registered business enterprises sa loob nito ay magbabayad lamang ng 5% ng kanilang gross income kung saan ang 3% ay mapupunta sa national government habang ang 2% ay sa SBMA, na siyang maghahati nito sa mga LGU.
Ayon kay Roman, ang magiging basehan o formula sa revenue sharing ng bawat LGU na nasa ilalim ng SSEZ ay 40% base sa kanilang populasyon, 40% naman batay sa nasasakop nilang land area at ang 20% naman ay para equal sharing ng mga ito.
Hinggil naman sa magiging komposisyon ng SBMA Board of Directors, mula sa kasalukuyang 15 na bilang ng mga bumubuo dito, nais ni Roman na gawin itong 17, kasama na ang isang professional manager na full time chairperson at siya ring magiging administrator at chief executive officer nito.
Ang itatalagang iba pang kasapi ng board ay dalawang representatives mula sa national government, lima mula sa private sector, isa sa bawat LGU na bahagi ng SSEZ, at isa naman mula sa sektor ng indigenous peoples na residente sa loob ng freeport zone.
ROMER R. BUTUYAN