UPANG matiyak na mayroong sapat na bilang ng nurse sa bawat bayan at probinsya sa buong bansa, inihain sa Kamara ang House Bill No. 6631 o ang “Nursing Scholarship and Return Service Program Act.”
Naniniwala si AnaKalusugan Party-list Rep. Ray Reyes, na siyang may-akda ng naturang panukalang batas, na “win-win solution” ang layunin niyang ito na tutugon sa shortage ng nurses sa bansa at makatutulong sa mga mag-aaral na maipursige ang kanilang pangarap na maging registered nurse.
“I hope that through this bill we can strike two birds with one stone by giving our aspiring nurses a chance at education and growth paired with regularized and secured positions during their service,” sabi pa ng kongresista.
Paliwanag ni Reyes, ang mga kaparat-dapat na estudyante kapwa sa state universities and colleges (SUCs) at private higher education institutions na nagnanais o kaya’y kumukuha na ng bachelor’s degree in nursing ay mapagkakalooban ng scholarship.
Saklaw nito ang free tuition at school fees, allowance para sa libro at iba pa nilang kinakailangang supplies at equipment, gayundin ang financial assistance sa kanilang internships, at maging medical insurance sa interested applicants.
Ayon kay Reyes, ang nursing student scholar ay kailangang magsilbi ng 18 buwan sa kada academic year na naibigay sa kanyang scholarship, sa lalawigan o munisipalidad na tinukoy ng Local Government Unit (LGU), na may kaukulang kompirmasyon mula sa Department of Health (DOH).
Dagdag ng kongresista, kapag ang nursing scholar ay natapos ang kanyang degree, sa loob ng isang taon ay kailangan itong agad na kumuha ng board examination, na ang bayarin ay sagot din ng scholarship grant nito.
Sinabi ni Reyes na nakasaad din sa HB 6631 na upang matugunan ang pangangailangan sa nursing staff ng bawat lokalidad sa bansa, ang DOH ay inaatasang bumuo ng programa para sa integration sa public and medical service system ng mga nursing scholar, gayundin ang lumikha ng kaukulang plantilla position para ma-accommodate ang mga bagong nurse.
“We want to make sure that each municipality or province have scholars that will provide service to their own towns, making sure that we have enough nurses evenly placed in all parts of the country,” dagdag ng mambabatas.
ROMER R. BUTUYAN