(Isinusulong sa Kamara)P10K AYUDA SA MGA ESTUDYANTE

AYUDA-1

ITINUTULAK sa Kamara ang pagkakaloob ng ayuda sa mga estudyante tuwing may national emergency o krisis tulad na lamang ng COVID-19 pandemic.

Sa ilalim ng “Student Aid Bill” na inihain ng Makabayan sa Kamara, bibigyan ng P10,000 na financial assistance ang mga mag-aaral upang matulungan sila sa mga gastusin sa kanilang pag-aaral.

Ang financial aid ay isahang beses na ibibigay sa mga mag-aaral.

Sinabi sa panukalang batas na mula nang magkapandemya noong 2020 ay tumaas ang dropout rate sa mga kabataan bunsod ng implementasyon ng distance learning.

Marami sa mga mag-aaral ay napilitang tumigil sa pag-aaral dahil nawalan ng trabaho ang kanilang mga magulang at hindi makasabay sa hinihingi ng online learning.

Ang pagbibigay ng ayuda sa mga mag-aaral ay inaasahang makatutulong para sa kanilang mga bayarin tulad ng matrikula, iba pang school fees, gadgets, internet connectivity at para na rin sa pagbabalik sa face-to-face ­classes.