ITINUTULAK sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagbibigay ng buwanang P2,000 teaching supplies allowance sa lahat ng pampublikong guro.
Sa House Bill no. 3543, binigyang-diin ni Davao City Rep. Paolo Duterte na napapanahong gawing isang batas ang pagkakaloob ng allowance sa public school teachers upang mabawasan ang kanilang gastusin at makatulong din sa kanila sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin.
Paggigiit pa ng Davao City lawmaker, ang pagtuturo ay isang propesyon na nagsisilbing pundasyon ng lahat ng iba pang propesyon.
Sa katunayan, aniya, ang mga guro ay itinuturing na “modern day heroes” subalit ang malungkot, ang kanilang suweldo ay hindi sapat sa malaking kontribusyon at sakripisyo ng mga ito, lalo ngayong patuloy na umiiral ang COVID-19 pandemic.
Dagdag ni Duterte, problemado rin ang mga guro sa pagkakaroon ng sapat na teaching supplies, na ang karaniwang nangyayari ay kinakailangan pa silang dumukot sa sarili nilang bulsa at gamitin ang personal na pera makabili lamang ng kaukulang mga gamit sa kanilang pagtuturo.
Bunsod nito, iminungkahi ng kongresista na bigyan ng P2,000 buwanang allowance ang lahat ng public school teachers, na partikular na gagamitin sa pagbili ng mga gamit o materyal para sa implementasyon ng iba’t ibang Learning Delivery Modalities o LDMs sa loob ng bawat school year.
Kapag ganap na naging batas, ang pondo para sa teaching supplies allowance ay isasama sa taunang badget ng Department of Education.
ROMER R. BUTUYAN