(Isinusulong sa Kamara)P64K MINIMUM PAY SA GOV’T NURSES

Nurses

UPANG mas maengganyo na dito na lamang sa bansa magtrabaho at mahimok din ang mga kabataang mag-aaral na kumuha ng kurso sa nursing, isinusulong ni neophyte Quezon City 4th Dist. Rep. Marvin Rillo na itaas ng 75 porsiyento ang minimum monthly base pay ng government nurses.

Sa kanyang inihaing House Bill 5267, pinaaamyendahan ng kongresista ang kasaluykuyang Philippine Nursing Law, partikular ang paglalagay sa Salary Grade 21 mula sa kasalukuyang Salary Grade 15 ng entry pay ng mga nurse sa iba’t ibang public health institutions.

Ayon kay Rillo, kapag ganap na naaprubahan ang kanyang panukala, ang sinusunod sa ngayon na P36,619 buwanang base pay para sa isang government nurse ay papalo na sa P63,997 kada buwan.

Sinabi ng Quezon City solon na umaasa siya na sa ganitong paraan ay magdadalawang-isip ang Filipino nurses na mangibang bansa at sa halip ay dito na lamang nila piliing magtrabaho.

Bukod dito, tiwala si Rillo na sa pagkakaroon ng mas mataas na entry level salary, maeengganyo rin ang mga high school graduate na kumuha ng Bachelor of Science in Nursing degree.

Nauna rito, inihayag ng Department of Health (DOH) na mayroon pang 106,541 vacant nursing positions kapwa sa mga pribado at pampublikong ospital sa bansa.

Habang ang World Health Organization (WHO) naman ay nagbabala na kung hindi matutugunan ang shortage ng nurse sa Pilipinas ay maaaring umabot sa 249,843 ang kakulangan ng nurse sa bansa pagsapit ng 2023.

ROMER R. BUTUYAN