(Isinusulong sa Kamara)PAUNANG PUHUNAN, PABAHAY SA CARP BENEFICIARIES(Isinusulong sa Kamara)PAUNANG PUHUNAN, PABAHAY SA CARP BENEFICIARIES

PABAHAY-1

IGINIIT ni House Committee on Women and Gender Equality Chairperson at Bataan 1st Dist. Rep. Geraldine Roman na hindi dapat magtapos sa pamamahagi ng lupa ang tungkulin ng gobyerno sa mga benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Kaya naman iminumungkahi ng House panel head, sa ilalim ng inihain niyang House Bill No. 223 o ang pagpapatupad ng “Phase 2” ng CARP, na kasunod ng pagkumpleto ng agrarian reform beneficiaries ng kanilang amortization schedule at pagbabayad ng interest charges ay patuloy silang matulungan ng pamahalaan.

Ayon kay Roman, sa kanyang HB 223, malinaw na isinasaad ng Saligang Batas ang mandato hinggil sa repormang agraryo na dapat gampanan ng estado, pangunahin na rito na matiyak ang pagkakaroon ng mabuting katayuan sa buhay ng mga magsasaka o ang tinaguriang “landless farmers”.

“Sa tagal ng panahon, hindi nangangahulugang katapusan na ng Agrarian reform program. Ang hamon ng panahon ay matiyak na maipagpatuloy ito dahil isa itong mahalagang parte ng national development at social justice program,” pagbibigay-diin pa ng Bataan solon.

Sa kanyang panukala, nais ni Roman na ang mga nakatanggap ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA), na walang anumang bayarin o obligasyon, ay pagkakalooban ng gobyerno ng paunang puhunan, dadag sa credit facilities at awtomatikong kuwalipikasyon sa iba pang social programs gaya ng pabahay, libreng edukasyon at pautang.

Aniya, sa ganitong pagkakataon, mas magiging masigla at produktibo ang mga magsasakang napasailalim sa CARP kung saan magreresulta rin ito sa paglago ng agriculture sector at ekonomiya ng bansa at malalabanan din ang kagutuman.

Sinabi ni Roman na ang isinusulong niya ay pantay na pagkakataon para sa lahat ng Pilipino at para sa kanya, ang pagkapantay-pantay ay pagtrato sa mga indibiduwal na walang hadlang, maling pananaw at kagustuhan; maliban kung ito’y may pagkakaiba at malinaw na makatuwiran.

ROMER R. BUTUYAN