UPANG makaagapay sa kanilang pang-araw-araw na gastusin lalo’t kapag nagretiro na, iminungkahi ng isang ranking member ng minority bloc sa Kamara na mabigyan ng pension at social security benefits ang mga magsasaka at mangingisda sa bansa.
Sa House Bill No. 2420 o ang “Agriculture Pension Act” na iniakda ni AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee, isinusulong ang pagbuo sa “Farmers and Fisherfolk Social Security and Pension Program” para magkaroon ng pension system ang lahat ng mga manggagawa sa sektor ng agrikultura.
Bukod dito, nais din ni Lee na makatanggap ng social security package ang mga farmer at fisherfolk gaya ng sickness, maternity, disability, retirement, death, at funeral benefits.
Pagbibigay-diin ng AGRI party-list congressman, marapat lamang na masuklian ang walang pagod na pagkayod ng mga magsasaka at mangingisda, maitaguyod hindi lamang ang kanilang pamilya, bagkus ay binubuhay rin nila ang local agriculture sector at ang buong ekonomiya ng bansa.
Subalit ang nakalulungkot, ani Lee, kung sino pa ang pinagmumulan ng pagkain ng sambayanang Pilipino sa araw-araw ay sila pa ang laging kinakapos ng pantustos sa kanilang pamilya at maging sa kanilang sarili lalo na kung sila’y retirado o hindi na makapagtrabaho.
“Hindi po makatarungan na hanggang sa pagtanda ng ating mga magsasaka at mangingisda ay nagbabayad pa rin sila ng utang. They deserve no less than immediate action to aid them in their plight. Dapat tulungan ang mga tumutulong para winner tayo lahat,” sabi pa ni Lee.
Sa kanyang panukala, ang pondo para sa nabanggit na mga benepisyo para sa mga magsasaka at mangingisda ay kukunin mula sa 10 porsiyento ng annual tax collections sa importasyon ng iba’t ibang agri products, gayundin mula sa savings ng National Treasury at paglalaan ng Department of Agriculture (DA) ng supplemental budget para rito, na isasama naman sa taunang pondo ng ahensiya.
Samantala, inaatasan naman, sa ilalim ng HB 2420, ang DA, Social Security System (SSS), at Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) na bumalangkas ng polisiya at magpatupad ng social security benefits at pension scheme na ito.
ROMER R. BUTUYAN